January 26, 2025

ROQUE IIMBESTIGAHAN SA CEBU MASS GATHERING (Presidential spokesperson tatakbong senador?)

Handang makipagtulungan si Presidential spokesperson Harry Roque sa isasagawang imbestigasyon sa tourism event na kanyang dinaluhan kung saan nalabag ang physical distancing.

“There’s going to be an investigation? Well and good para makita na pinaalalahanan ko pa ang mga tao na mag-iwas,” saad niya sa kanyang media briefing.

Ayon sa Department of Interior and Local Government, magsasagawa ng fact-finding probe sa event na naganap nitong weekend sa bayan ng Madridejos sa Cebu na dinumog ng mga tao.

Sa naturang event, sinabihan umano ni Roque ang kumpulan ng mga tao na sundin ang iba pang minimum health standards, kabilang na ang pagsusuot ng face mask at ang regular na paghuhugas ng kamay upang maiwasan ang COVID-19.

Sinabi rin nito na may natutunan siyang aral sa naturang insidente, na nagkomento na iiwasan na niyang dumalo sa mga event na maraming tao. Dumaing din ito sa double standards ng media reports sa insidente.

Ang kanyang pagbisita sa Cebu ay isa lamang sa marami niyang beses na pagbiyahe habang may pandemya at ang kamakailan lang na pananalasa ng bagyo, dahilan para magkaroon ng agam-agam sa kanyang pagtakbo sa 2022. Tikom naman ng dating kongresista nang tanungin kung tatakbo ito sa Senado sa susunod na eleksyon.

“I’m looking forward to retirement from government service… I have been there and done that and I look forward to having my privacy again come 2022,” saad niya.

Umatras si Roque noong 2019 senatorial race dahil sa kondisyon sa kalusugan.