May 25, 2025

Romualdez Binabaha ng Suporta! Oposisyon, Sumama na Rin

MANILA — Wala nang makakapigil sa liderato ni House Speaker Martin Romualdez matapos lumagda ang 278 sa 285 miyembro ng Kamara para sa kanyang pananatili bilang lider ng 20th Congress.

Ayon kay Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez, kabilang sa mga lumagda ang apat sa anim na miyembro ng Liberal Party (LP), na dating nasa oposisyon. Ibig sabihin, halos buong Kamara na ang nakaalyado ni Romualdez.

“Wala nang paligsahan. The Speaker has the numbers,” diin ni Suarez.

Aniya, si Romualdez ay napatunayang lider na may pagkakaisa, kakayahan, at track record sa pagpasa ng mga mahahalagang panukala gaya ng pambansang budget at economic reforms.

Pinasalamatan din ni Suarez ang pagiging tulay ni Romualdez sa pagitan ng Kongreso at Malacañang, na aniya’y dahilan kung bakit nananatiling matatag ang institusyon.

Kabilang sa mga bumubuo sa supermajority coalition ang Lakas-CMD, Nacionalista Party (NP), National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Party-list Coalition Foundation Inc. (PCFI), at ngayon pati Liberal Party.

“Kumbaga sa basketball, wala nang laban. Slam dunk na si Speaker Romualdez,” hirit pa ng kongresista.