March 25, 2025

RODY DUTERTE MATUTULAD KAY NINOY?

SABIK nang makabalik ng Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte pero nangangamba ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte na baka sapitin rin ng kanyang ama ang nangyari kay yumaong Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr.

“Sa mga araw na nandoon ako, isa yan sa paulit ulit niyang sinasabi ‘Kailan mo ako mapalabas dito dahil drating ang Eleksyon mag-mayor ng syudad ng Davao,’ mensahe niya sa harap ng maraming tao sa The Hague nitong Linggo.

 “Gusto niyang umuwi. Sinabi ko din sa kanya ‘yon, ‘Pa, sabi ko ‘yung kagustuhan mo na umuwi, iyan din ‘yung katapusan ng buhay mo, magiging Ninoy Aquino Jr. ka.’ At sinabi niya sa akin, sabi niya ‘Kung ganyan ang kapalaran ko then so be it basta lang mauwi ako sa Pilipinas,’” dagdag niya.

Malakas na sigawan naman mula sa mga Duterte supporter ang sinukli sa naging mensahe ng Vice President at ang sabi, “Bring him home.”

Pinaslang si Aquino, ang opposition leader noong panahon ng diktaduryang Marcos, paglapag nito sa Manila airport nang ma-exile sa United States noong Agosto 21, 1983. Bago ang kanyang paglipad pabalik sa bansa, hindi natinag si Aquino na harapin ang banta sa kanyang buhay.

Sa isang panayam sa media, sinabi niya na, “We all have to die sometime. If it is my fate to die by an assassin’s bullet, so be it. But I cannot be petrified by an action or a fear of assassination and therefore stay in a corner.”

Gustuhin mang umuwi ng nakatatandang Duterte, subalit nangangamba pa rin ang VP sa kaligtasan at seguridad ng kanyang ama.

Naniniwala rin si VP Sara na kulang sa ebidensiya ang isinampang kasong kinakaharap ng kanyang ama na crimes against humanity of murder.

Hinimok din niya ang mga Duterte supporters na ipagpatuloy ang panawagan para makauwi si Duterte sa Pilipinas.

“Huwag natin tigilan ang panawagan sa gobyerno natin sa Pilipinas at sa lahat ng gobyerno na nakikinig at dito sa ICC na ipaalam sa kanila na mali ang ginawa kay pangulong Rodrigo Duterte. At paano ba itama ‘yun? Ibalik ninyo lang siya sa Pilipinas,” saad niya.

“Ituloy lang ‘yung kaso, walang problema, ibalik nyo lang siya,” dagdag niya.