December 23, 2024

Robredo itinutulak ang proteksyon sa anti-terror law

Ilang araw matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Terrorism Law, itinutulak ni Vice President Leni Robredo ang mga proteksyon para matiyak na hindi maabuso ang nasabing batas.

Sa kanyang weekly radio show kasama ang co-host na si Ely Saludar, sinabi ni Robredo na hindi niya sinasalungat ang batas, ngunit nais niyang tiyakin na mayroong mga proteksyon sa pagapapatupad nito.

Iyong hinihingi natin, hindi na hindi magkaroon ng Anti-Terrorism Law; iyong hinihingi natin, kung magkakaroon, siguraduhin iyong safeguards, siguraduhin iyong safeguards sa pang-aabuso,” ayon sa Bise Presidente.

 “Eh dito sa Anti-Terror Law, wala ito. Mayroong safeguards pero hindi enough. Ang parating dapat presumption, parating may tendency na mag-abuso,” dagdag pa niya.

Inihalimbawa ni Robredo ang pagsasampa sa kaniya ng kasong sedisyon ng mga tauhan ng Criminal Investigation- and Detection Group (CIDG) kung saan, ibinase ang reklamo sa kasinungalingan ng isang tao.

Kung nagawa aniya ito sa kaniya ng mga alagad ng batas, sinabi ni Robredo na hindi malabong magawa rin ito sa pangkaraniwang mamamayan ng bansa.