Sinabi ni Vice President Leni Robredo ngayong Linggo na hindi mandato ng pangalawang pangulo na i-audit ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan, kontra ito sa plano ni Pangulong Rodrigo Duterte kung mananalo siya bilang VP sa 2022.
Mandato ng Commission on Audit ng 1987 Constitution na i-check kung papaano ginagasta ang pera ng taxpayers. Bilang isang constitutional body, ito’y hiwalay sa executive, judiciary at legistative branches ng pamahalaan, saad ni Robredo.
“Wala yun sa mandato namin. Yung mandato ng VP ay succession lang. Creative na lang kami kaya meron kaming anti-poverty program, meron kaming programa sa COVID,” sambit ni Robredo sa kanyang weekly radio program.
Sinabi ni Duterte noong Huwebes na kung siya ang magiging vice president sa 2022, kanyang io-audit ang COA at iba pang government agencies matapos maisilip ng state auditors ang “deficiencies” ng P67-billion pandemic budget ng DOH.
“Somebody should do it. I will — I will do that if I become vice president. Ako na lang rin ang mag-audit sa lahat ng gobyerno. Lahat, pati ‘yung akin, mag-umpisa ako sa akin,”ayon sa Pangulo.
Sinabi naman ni Robredo na mayroong ibang paraan upang patunayan ng isang tao na seryoso ito sa laban kontra korapsyon sa pamahalaan, tulad ng pasasapubliko ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
“Yung SALN, isa yan sa napakalaking dahilan para ipakita mo na bukas yung lahat ng information, pagpapakita na walang corruption,” wika niya.
“Yung mga tao sa paligid mo, pagpapakita yun kung anong klase ba. Kung yung mga tao sa paligid mo nai-involve sa corruption, mahirap naman yatang paniwalaan,” dagdag pa nito.
Sinabi rin ni Robredo na ang Office of the President ay ang pinaka-importanteng tanggapan na pangunahan ang laban kontra korapsyon tulad ng ginagawa administrasyon ng yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
“Yung kay PNoy noon, ang daming bagong in-introduce para mabawasan yung corruption. Hindi completely nawala pero at least yung sistema in place. Ang daming ginawa para mabawasan ito,” saad niya.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE