January 23, 2025

Robredo bumisita sa Cagayan

Binisita ni Vice President Leni Robredo ang mga lugar sa Cagayan na sinalanta ng baha dulot ni bagyong Ulysses.

“We arrived Cagayan this morning. Our team arrived a few hours earlier with supplies,” ani Robredo sa kanyang Twitter post.

Bukod sa pagbisita, bitbit din ni Robredo ang tulong para sa mga residenteng nawalan ng tirahan at gamit sa gitna ng pananalasa ng bagyo.

Namahagi ang pangalawang pangulo ng food packs, inuming tubig at higaan.

Sa hiwalay na post sa Facebook, makikitang bumiyahe si Robredo at kanyang team sa Linao Norte at Annafunan sa Tuguegarao City, kung saan sila nakatanggap ng mga requests para ma-rescue.

“Marami tayong tinawagan na initially nagre-request for rescue pero nung tinawagan natin sinabi (nila na) hindi na sila lilikas kasi bumaba na yung tubig. Karamihan nagre-request na lang ng pagkain at tubig.”

Ayon sa bise presidente, humupa na ang tubig sa boundary ng dalawang lugar, pero may mga ulat pa raw silang natanggap na mataas pa ang baha sa ilang bahagi ng Linao Norte at Annafunan.

“Medyo much much better na, wala ng tubig. Pero maraming tao sa kalsada kasi ang kwento, yung kalsada yung mataas… lampas tao daw yung tubig dito kahapon.”

Tiniyak ni Robredo na tutugunan ng kanyang tanggapan ang mga natanggap na panawagang tulong.

“Kaisa niyo kami. Kung ano po iyong sa abot ng aming makakaya, kung ano iyong puwede naming itulong para kahit papaano makagaan ng kaunti sa dala-dala nila ngayon, gagawin po natin,” sa isang ambush interview.

Nasa ilalim ngayon ng State of Calamity ang Cagayan at katabing lalawigan ng Isabela matapos makadagdag sa pagtaas ng tubig baha ang pinakawalang tubig ng Magat Dam.