December 22, 2024

ROBIN PADILLA PARA PRESIDENTE SA 2028 KUNG ‘DI MAKAKATAKBO SI SARA

Kung si Vice President Sara Duterte ay mapatunayang nagkasala sa isang impeachment trial, si Senator Robin Padilla ang tatakbo bilang pangulo sa 2028 elections.

Ayon kay dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, may basbas ni dating President Rodrigo Duterte ang planong pagtakbo ni Padilla bilang pangulo.

Magkasama sina Padilla at Duterte sa PDP-Laban.

“Kapag pinakulong ‘yan (Vice President Sara Duterte), ang patatakbuhin namin si Robin Padilla. ‘Pag si Robin Padilla game over. Pareho ni Inday Sara, game over din ‘yan,” ayon kay Panelo.

Aniya, “speechless” si Padilla nang marinig niya ang tungkol sa plano habang magkasama sila sa isang kwarto para sa Tiktok livestream.

“Sasabihin ko na sa ‘yo ang napag-usapan namin ni presidente… So naririnig ko siya. Speechless. Sabi ko, ‘ihanda mo na sarili mo kasi ‘pag ‘yan ang nangyari ikaw ang ilalaban namin kasi nag-usap na kami ni presidente and he agrees with me na ikaw talaga ang pwedeng pumalit kay Inday Sara,’” dagdag ni Panelo.

Nahaharap si Duterte sa dalawang impeachment complaints sa Kamara.

Pinayuhan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga mambabatas na huwag i-impeach si Duterte, sinabing ito ay isang pag-aaksaya ng oras. Inanunsyo rin ng makapangyarihang Iglesia Ni Cristo ang kanilang kahandaan na magsagawa ng mga rally laban sa impeachment ng Bise Presidente.