June 27, 2024

Robin, iginiit ang suporta para sa ‘Hero’ drivers, lokal na manufacturers sa PUV Modernization Program

Ang ating mga “hero” na jeepney driver at ang lokal na manufacturers ang dapat mauna na makinabang sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program, at ito ang dapat tiyakin ng pamahalaan.

Iginiit ito nitong Biyernes ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Public Service sa mga panukalang batas para PUV modernization program at sa phaseout ng traditional jeepneys.

“Hindi kami kontra sa modernization. Walang taga-gobyerno ang kokontra sa modernization. Yun lamang po, yun lang sana suportahan po natin ang lokal nating gumagawa, bago natin bigyang importansya ang ating dayuhan katulad ng kilala na, bihasa na,” ani Padilla.

“Sa huli’t-huli, hindi natin kailanman lilimutin ang ating layuning bigyang proteksyon higit sa sinuman, ang ating mga maliliit na drivers,” dagdag niya.

Ayon kay Padilla, malaki ang papel ng mga jeepney drivers sa pampublikong transportasyon. Maraming estudyante at manggagawa ang hindi makarating sa paaralan o sa trabaho kung walang jeep, aniya.

Dagdag niya, mapipilay ang pamayanan kung nag-strike ang mga PUV driver na “heroes.”

Ipinunto rin ni Padilla na bagama’t layon ng PUV Modernization Program na tugunan ang hinaing ng jeepney driver habang tiyaking kumportable ng mga pasahero, lumalabas na ng mga problema sa implementasyon nito.

“Sa panahon po na tila mas marami ang dumadaing, umaaray, sa isinusulong na programa po ng ating pamahalaan, hindi po tayo maaaring magbingi-bingihan, bilang tayo po ay public official, tayo ay nag-oath na pangangalagaan natin ang ating taumbayan, kailangan natin pakinggan ang ating mga bayaning jeepney drivers,” aniya.