Muli, isa na naman pong magandang araw sa inyo, mga ginigiliw kong mga kababayan. Mga minamahal kong mga Ka-Sampaguita. Nawa’y lagi po kayong nasa mabuti po kayong kalagayan.
Ngayong araw, Hunyo 19, kung ikaw ay makabayan at yakap sa iyong puso’t isipan ang pagiging nasyonalismo, maaalala mo na ngayon ang araw ng kapanganakan ni Dr. Jose Rizal.
Si Rizal na kinikilala nating mga Pilipino na isang dakilang bayani ay isinilang sa bayan ng Calamba sa Laguna noong ika-19 ng Hunyo 1861, 159 taon na ang nakalilipas. Kaya naman, dapat nating gunitain ang araw ng kanyang pagsilang.
Sa palagay ko naman, gaya ng mga tanyag na mga personalidad, hindi pahuhuli si Rizal sa kanila. Sapagkat si Rizal ay isa ring celebrity sa larangan ng pagpupunla ng nasyonalismo. Nagtataglay ng iba’t ibang katangian at talento na ipinagkaloob ng Diyos. Kilala si Rizal ng mga Pilipino, kahit ng mga batang hindi pa lumulusong sa Elementarya dahil itinuturo na ito sa kanila ng kanilang mga magulang.
Si Rizal ay masasabing ‘Jack of all trades’ dahil siya ay isang optalmologo, dibuhista, makata, nobelista, manunulat, eskrimador, iskultor, botaniko, lengguwista, kartonista, peryodista, repormista, pintor at iba pa. Bilang patunay na taglay ni Rizal ang celebrity status, kilala siya sa Asya at sa iba’t ibang panig ng Europa; kung saan kinilala ang kanyang ambag sa kasaysayan.
Katunayan, gaya ng nakikita nating iskutura o monumento ni Rizal sa Luneta, mayroon din siyang gayung pagkilala sa bansang China, Hong Kong, Germany, Spain ( Madrid), Tokyo, Japan, Paris, France, Chicago, (USA) , at London . Ang kanyang huling isinulat na tulang ‘Mi Ultimo Adios’ ay isa sa itinuturing na immortal at mahusay na tula ng isang Asyano sa kasaysayan.
Isa si Rizal na pumukaw sa nagtitimping damdamin ng mga Pilipino; na gaya ng isang malakas na daluyong ng alon na nakatakdang mangwasak— wasakin ang kadenang ipinutong sa balikat ng mga Espanyol. Kagaya ng isang ibong nagnanais lumaya sa pang-aapi at pang-aabuso ng mga dayuhan.
Si Rizal ay masasabing naging mitsa upang umalab ang damdaming makabayan at pagiging nasyonalismo; lalo na nang mailathala ang kanyang dalawang obrang nobela na ‘Noli Me Tangere’ at ‘El Filibusterismo’.
Gaya ng kanyang dalawang isinulat na obra, ang buhay ni Rizal ay makulay at masalimuot. Na sa kanyang paghahangad na lumaya ang Pilipinas (sa kuko ng pananakop ng Kastila), sa hindi marahas na paraan, siya ay naging gaya ng isang mailap na ibon na nahuli sa lambat. Nakulong, nilitis at hinatulan ng kamatayan.
Bago pa ang kanyang pagkamatay, naging hudyat pa ng mas malawak na pag-aalab ng damdamin ng mga Pilipino; na nauwi sa mas maraming pagkilos ng himagsikan.Isa na rito ang pagkakatatag ng Katipunan, sapagkat si Rizal ay nagging inspirasyon ni Gat. Andres Bonifacio.
Dahil kay Rizal, namulat ang mga Pilipino at nagkaroon ng kabatiran ang mundo sa tunay na kalagayan ng bansa sa kamay ng mga Espanyol. Makalipas ang halos dalawang taon pagkatapos siyang barilin sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896, dumating ang mga Amerikano. Bagama’t napailalim ang bansa sa pananakop ng Amerika, hindi ito gaanong masaklap gaya ng naranasan kumpara sa mga Espanyol.
Napasailalim din tayo ng pananakop ng mga Hapones noong WWII. Subalit, halos 50 taon ang nakalipas buhat nang siya ay mamatay, nagkaroon katuparan ang minimithi niyang kalayaan sa kamay ng pananakop.
Ngayong malaya na tayo,ano naman ang maitutulong mo— ang maiaambag mo sa ating bayan bilang isang mamamayang Pilipino? Gagayahin mo ba ang ginawa ni Rizal bilang isang huwarang Pilipino? Adios Amorsekos.
More Stories
PAGPASA NG P3.5 BILYONG BUDGET NG MARIKINA, NAAYON BA?
MGA MAYOR SA RIZAL SUPORTADO SI CHAVIT SINGSON
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE