January 23, 2025

Rider patay sa dump truck, angkas kritikal

PATAY ang isang rider habang nasa kritikal namang kalagayan ang kanyang angkas matapos masalpok ng isang Isuzu dump truck sa Caloocan City, Linggo ng madaling araw.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, Jr., dead on arrival sa Caloocan City Medical Center (CCMC) si Odimar Bonifacio, 25 ng Pamlico, Nasugbu Batangas sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan habang ang kanyang angkas na si Anthony Escober, 32, ng Apollo Village, Orani, Bataan ay patuloy na inoobserbahan sa nasabing hospital.

Lumabas sa imbestigasyon ni traffic investigator P/Cpl. Dino Supolmo na tinatahak ng mga biktima ang kahabaan ng 7th Avenue patungo sa A. Bonifacio Avenue at pagsapit sa corner B. Serrano Street dakong alas- 3 ng madaling araw nang mahagip sila ng mabilis ang takbo na dump truck (CTN-446) na minamaneho ni William Apostol, residente ng Bible St. Karuhatan, Valenzuela City.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga biktima sa motorsiklo at bumagsak sa sementadong kalsada na naging dahilan upang mabilis silang isinugod ng mga tauhan ng Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa nasabing pagamutan.

Ani Supolmo, tinangka pang tumakas ng driver ng dump truck at mabilis na humarurot patungong EDSA subalit, kaagad din naman siyang nakorner ng rumespondeng mga tauhan ng Caloocan Police Traffic Management Reaction Unit (TMRU) matapos hila ng gulong ng turck ang motorsiklo ng mga biktima.

Nahaharap si Apostol sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injury at damage to property sa Caloocan City Prosecutor’s Office.