November 5, 2024

Rider na walang helmet, pinosasan sa shabu

SWAK sa kulungan ang isang lalaki matapos makuhanan ng nasa P68,000 halaga ng shabu makaraang masita ng mga pulis sa Oplan Sita dahil walang suot na helmet habang sakay ng isang motorsiklo sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si Albert Bautista, 23 ng 2126 Stemada Interior Salmon St., dagat Dagatan Brgy. 8.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Lacuesta na habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng MPQRT-SOUTH sa Bonifacio Monument Circle Brgy. 86 dakong alas-10:55 ng gabi nang parahin nila ang suspek dahil walang suot na helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo.

Nang hingan ng siya identification ay tumanggi ang suspek at tinangkang tumakas na naging dahilan upang habulin siya ng mga pulis hanggang sa makorner.

Dahil sa paglabag sa Art 151 of the RPC ay inaresto ng mga pulis ang suspek at nang kapkapan ay nakumpiska sa kanya ang tatlong heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng aabot 10 grams ng hinihinalang shabu na may strandard drug price value na P68,000.

Kakasuhan ng pulisya ang suspek ng paglabag sa Art 151 of the RPC at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.