January 12, 2025

Rider na walang helmet, huli sa shabu sa checkpoint 

SWAK sa kulungan ang isang hinihinalang adik na rider nang sagasaan ang isa sa mga pulis na kabilang sa nagsasagawa ng Oplan Sita makaraang magtangkang tumakas sa Caloocan City.


Ayon kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng NPD-District Mobile Force Battalion (MDFB) sa Alat Bridge, Quirino Highway, Brgy. 185 nang parahin nila ang isang rider dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo ng walang suot na helmet dakong alas-2:45 ng madaling araw.


Sa halip na huminto, pinaharurot ng suspek ang minamanehong motorsiklo patungo sa kinatatayuan ni Cpl Ofalia na bahagyang nakaiwas subalit, nahagip pa rin ito.


Sumemplang naman ang rider nang bumangga sa karatula ng Oplan Sita matapos mawalan ng kontrol sa manibela na dahilan upang tumilapon at kumalat sa kalsada ang laman ng dala niyang sling bag.


Nang suriin ng pulisya ang nagkalat na laman ng bag, natuklasan ang halagang P2,500 cash at anim na plastic sachet na naglalamant ng 28 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P190,400.00 habang pinosasan naman ang 59-anyos na suspek.


Pinuri naman ni Col. Ligan ang pagiging alisto at mapapagmatyag ng pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. “This operation is proof of our commitment to eradicating illegal drugs in our communities. Together, we will make our streets safer,” pahayag ng opisyal.