PINAIIMBESITGAHAN ni Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. ang pagdami ng bilang ng malalaking billboards sa mga lansangan na nagiging banta sa kaligtasan ng mga drivers ng mga pampasahero at pribadong sasakyan.
Sa kanyang Senate Resolution No. 924, iginiit ng mambabatas na ang mga nasabing istruktura ay maaaring magdulot ng panganib sa mga gumagamit ng kalsada.
Sinabi ni Revilla na ang mga LED billboards ay nagdudulot ng distractions sa mga taong bumabagtas sa mga kalsada dahil sa mga nakasisilaw na ilaw, gayundin ang mga motion billboards.
Inusisa rin nito ang mga structural integrity ng mga ganitong uri ng billboards na napaka-prone sa mga aksidente sa panahon ng kalamidad.
“Kailangang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista sa mga kapahamakang maaaring maging dulot ng mga naglalakihang billboards. Lubhang nakakaabala ng atensyon ang mga ito lalo na ‘yung mga nakakasilaw na posibleng magdulot ng aksidente sa kalsada sa mga maaaring ma-distract dito,” giit ni Revilla.
“Hindi lamang ito maituturing na driving distraction and hazard, dagdag pa sa pangamba natin ‘yung structural stability ng mga ‘yan kapag humahampas ang malalakas na bagyo. Ang higit na nakakatakot ay kapag nagkakaroon ng mga lindol. These nuisances may even exacerbate the situation and turn it into a disaster. That is exactly what we want to avoid,” dagdag pa nito.
Naalala rin ni Revilla na noong Marso 2022, inilabas ang Executive Order (EO) No. 165 para maglabas ng mga regulasyon sa mga sign at billboard sa labas ng mga bahay, na ang katotohanan na “ang mga unregulated na sign at billboard sa advertising ay nagdudulot ng mga abala sa trapiko at mga panganib at bumubuo ng mga banta sa kaligtasan ng publiko.”
Sinabi ng chairperson ng Senate Committee on Public Works na ang deadline para sa mga may-ari at operator ng billboard na sumunod sa mga regulasyon ay itinakda sa Marso 2024, dalawang taon pagkatapos ng pagpapalabas ng EO.
“Malapit na ang deadline na itinakda ng EO. Kailangan nang suriin kung sumunod na ba sa mga batayan at standards ang mga billboard owners and operators. At nararapat lamang na panagutin ‘yung mga hanggang ngayon ay nagmamatigas pa rin to the detriment of the general public,” paliwanag ni Revilla.
Aniya, nakatakda na itong magpatawag ng pagdinig ang Committee on Public Works upang talakayin ang nasabing resolusyon.
“Isasalang agad natin ‘yan sa pagdinig ng komite para malaman natin kung sumunod ba ang mga operator at may-ari ng mga billboard. At hangad din natin na mapaigting ang ating mga batas ukol sa pag-regulate ng ganitong klase ng advertisements,” pahayag pa ni Revilla.
More Stories
HAMON NI DUTERTE SA ICC INVESTIGATORS: BILISAN N’YO BAGO AKO MAMATAY
Reward money sa pulis, kinumpirma ni Digong
DUTERTE SASAMPALIN SI TRILLANES SA HARAP NG PUBLIKO (Nagkainitan sa House quad committee probe)