January 27, 2025

Reunion Challenge COPA National Finals… DIYAMANTE, OBEBE KAPWA ‘MOS’ AWARDEE!

IBINIDA ng mga miyembro ng RSS Dolphins Swimming Club, sa pangunguna ng MOS awardee na si Nicole Diamante (gitna) , ang mga medalyang napagwagihan sa katatapos na swimfest.

HUMIRIT pa sina Nicole Diamante at Pauline Obebe para sa kanilang ikaapat na gintong medalya sa kani-kanilang dibisyon para pormal na tanghaling Most Outstanding Swimmers (MOS) sa pagtatapos ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) Reunion Challenge National Finals nitong Linggo sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Maynila.

Inangkin ng 11-anyos na si Diamante, ang ipinagmamalaki ng RSS Dolphins Swim Team, ang kanyang ika-apat na gintong medalya matapos manalo sa girls 11-yrs old na Individual Medley na nagtala ng 3:09.99, habang pinantayan ni Obebe ang pagsisikap ni Diamante matapos dominahin ang parehong event sa 12-yrs -class  sa oras na 2:51.27 .

Sa kanilang pagsisikap na bilangin ang kanilang mga performance sa nakalipas na tatlong leg ng Reunion Series, sina Diamante at Obebe ay pinarangalan bilang MOS awardees sa torneo na co-presented ng Manlalangoy ng Pilipinas at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) sa ilalim ni Chairman Noli Eala , Speedo at Milo.

“Bonus na po ito sa akin. Hindi ko naman po target ito basta sinusunod ko lang ang sinasabi ni coach. Nagpapasalamat po ako sa mga taong tumutulong sa akin, gayundin po sa COPA na patuloy na nagbibigay sa amin ng maayos na mga tournament,” sambit ni Diamante.

Kinatigan ni Obebe ng Aquanights swim club ang pahayag ni  Diamante habang ipinaabot din niya ang kanyang pasasalamat sa mga pribadong indibidwal na sumuporta sa kanyang career at palaging gumagabay sa kanyang pagsabak sa mga torneo.

Parehong bahagi ng National Capital Region (NCR) swimming team na lalahok sa PSC’s Batang Pinoy National Finals sa Disyembre 17-25 sa Vigan, Ilocos Norte.

Ipinagkaloob nina  COPA secretary general at tournament director Chito Rivera aat technical head Richard Lune ang mga medalya at tropeo sa mga nagwaging swimmers at clubs.

“Kami ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng mga manlalangoy at sa lahat ng  club na sumali sa aming paligsahan. We assured everyone, even non COPA teams , then can easily play in the coming COPA tournament next month,” ani Rivera.

Ang iba pang nagwagi sa apat na araw, dalawang weekend tournament ay sina Danna Santiago Class C girls 200M (3:35.81), sina Kisses Libat ng Green Blaster sa girls 11 class B 100m back (1:27.55); Victoria Vitog ng Aquanights (1:53.88); Jhoey Gallaro ng Swim Kings sa 14yrs class B (29.58); Xian Espinas ng Naawan Watersharks, class C (32.06), Anjolie Novillas ng, Ral Rosario Swim ( 32.31 15).