NANATILING naka-isolate ang ilang barangay, ilang araw matapos manalasa ang bagyong Kristine na kumitil sa buhay ng 54 katao at higit sa 27,000 pamilya ang inilikas sa lalawigan ng Batangas.
Sa ginanap na press briefing, iginiit ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na ang pagbaha at landslides ay hindi dulot ng quarrying kundi ng matinding pagbuhos ng ulan sa loob ng magkakasunod na tatlong araw.
“Sa kadamihan lamang ng tubig, bumigat ang lupa at bumagsak. Pero napansin ninyo lahat ng mga apektadong lugar ay nakapaligid sa lawa ng Taal. Ang lawa ng Taal tumaas ng isang metro. Ang tunay na dahilan nito, ang nilalabasan ng tubig ng Taal, ang Pansipit River, yan ay nabarahan nung pumutok ang bulkan, 2020 pa. Hanggang ngayon hindi pa nade-dredge,” aniya.
Sinisi rin ni Mandanas ang Department of Environment and Natural of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa kapabayaan nito sa dredging ng Pansipit River, isa sa sitwasyon na nagpalala sa matinding pagbaha lalo na sa mga bayan ng Lemery, Agoncillo at Taal.
“Ang lalawigan ginagawa ang ating kaya doon pero hindi kami makaayos kaagad dahil ang namamahala niyan, ayon sa batas, ang may pananagutan talaga diyan ay ang ating Department of Environment and Natural Resources…Kapag gagawa ng school o gagawa ng kalye, kailangan kami humingi ng permiso, at kailangan pa magbayad. ‘Yon nasabihan ko na, madali naman baguhin yung area covered, ay hindi makuha eh,” hinaing niya.
Binigyang-diin niya na maiiwasan ang pinsala ng matinding pagbaha kung nalinis lamang ang ilog bago dumating ang bagyo.
“Hindi babaha ang Lemery na kapares ng pagbaha ngayon, talagang sobrang baha, at bahagi ng Taal at Agoncillo. Yan ang katotohanan,” giit niya.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA