November 3, 2024

RESPETO SA KONSEHO TILA WALA NA?

Sa kalagitnaan ng paghihikahos dahil sa pandemiya, inaasahan nating mga Pinoy na na ito ang tamang panahon upang tumanggap ng kalinga mula sa ating mga pinuno at opisyal na ating inuluklok sa puder.

Sa kasamaang palad mga Cabalen, tila hindi na natin nakikita ang ganitong malasakit, bagkus, pulitika at bangayan ang ating natatamo mula sa kanila.

Kasama na dito ang sobrang pagbabangayan ng mga magkakalabang partido, gamit ang lakas at prebilehiyo na natamo dahil sa posisyong hinahawakan.

Dahil sa sobrang pamumulitika, wala nang respeto sa isat-isa at binabalewala ang karapatan ng kanilang mga constituents. Nasaan na ang inyong mga pangako nang kayo ay nangangampanya? Nasaan ang pagmamalasakit na inyong ipinangako? Bakit ngayon higit na mahalaga sa inyo ang pansariling interes.

Mga Cabalen, bukod sa mga ugaling trapo na ipinapakita ng national government, lumilitaw na din po ang pag-atakeng personal sa mga local na ang sabi nga ng marami ay dito mas talamak.

Gaya na lamang sa Caloocan City, na kung saan tila ang mga konsehal sa mayorya ay hindi na nakikinig at rumerespeto sa kanilang Vice Mayor bilang presiding officer.

Sa ating pagkakaalam at pagkakaunawa, ang vice mayor ng Caloocan City sa katauhan ni Maca Asistio ay tila hindi na daw nirerespeto dahil sa kawalang ng disiplina ng mga miyembro ng konseho partikular na ang mayorya.

Sa tatlong Miyerkules kasi na ginaganap ang sesyon ay unti-unting nawawala ang kanyang mga konsehal bago pa man mag-adjourn ang sesyon at bago pa man pag-usapan ang  nasa agenda para sa araw na nabanggit.

Dahil sa wala na ang ating mga konsehal at matapos ang roll call ay wala na ngang “quorum”.

Nagkataon naman na ang huling agenda sa tatlong Miyerkules na sesyon ng konseho ng Caloocan City ay ang “privilege speech” ni Konsehal Alex Mangasar.

Ito ba ay sinasadya dahil wala sa partido ng mayoriya si Mangasar? Wala na nga bang respeto ang ating mga ibinotong konsehal sa kanyang presiding officer? Marahil din na wala silang pakialam sa nilalaman ng privilege speech ni konsehal kaya minabuti nilang umalis?

Ang punto lamang po ng Kapamu mga Cabalen, sana naman po bawas-bawasan naman natin ang pulitika. Kayo po ay inihalal para may boses ang inyong mga ka-distrito at bawat na barangay na inyong kinakatawan.

Kayo na po ang humusga, mga Cabalen.