
Lalong lumalala ang kontrobersiyang kinahaharap ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte matapos siyang ireklamo ng negosyanteng si Kristone John Patriarca sa Department of Justice (DOJ) dahil umano sa pananakit at tangkang pananaksak sa loob ng isang bar sa Davao City.
Sa reklamo ni Patriarca, sinabi niyang sinaktan siya ni Duterte gamit ang kamao, sipa, at headbutt matapos siyang murahin at itulak sa hagdanan. Ayon pa sa kanya, tinangka siyang saksakin ni Duterte gamit ang kutsilyo habang sumisigaw ng “Papatayin kita!”
Nag-ugat umano ang insidente sa bayaran ng mga babaeng dinala ni Patriarca sa isang pribadong salu-salo sa bahay ng negosyanteng si Charlie Tan sa Woodridge, Barangay Maa, kung saan naroon si Duterte at ilang Chinese businessmen. Ayon sa reklamo, sinabi ni Tan kay Patriarca na magdala ng “anim na pinakamagagandang babae” para sa kasiyahan.
Tatlong babae ang dumating kasama si Patriarca bandang alas-8 ng gabi, at sumunod pa ang dalawa. Nang lumipat ang grupo sa Hearsay Gastropub Bar, doon umano nagkaroon ng tensyon matapos magreklamo ang isa sa mga babae na ₱1,000 lang ang ibinayad sa kanya—malayo sa ₱13,000 na orihinal na kasunduan.
Nagalit umano si Duterte sa kaguluhan sa bayaran at doon na raw nagsimula ang pananakit. Ayon pa kay Patriarca, iniutos ni Duterte sa kanyang mga bodyguard na isara ang pinto ng bar at patayin ang CCTV upang walang ebidensyang makuha.
Sinampahan si Duterte ng kasong paglabag sa Article 265 (physical injuries) at Article 282 (grave threats) ng Revised Penal Code.
Kinumpirma ng DOJ ang natanggap na reklamo, at posibleng isailalim ito sa preliminary investigation.
Humihingi pa rin ng pahayag ang media mula sa kampo ni Rep. Duterte na hanggang ngayon ay nananatiling tahimik.
Samantala, nananatili rin ang dating kasong drug smuggling na isinampa laban kay Duterte at sa bayaw niyang si Mans Carpio kaugnay ng P6.4-bilyong shabu shipment noong 2017.
More Stories
Makati Subway, Goodbye na (Matapos ang SC ruling)
RICKY DAVAO, PUMANAW NA SA EDAD NA 63
San Juan, Opisyal nang Drug Cleared City—Unang Lungsod sa Metro Manila