INATRAS ng ina ng 15-anyos na binatilyo ang reklamo laban sa mga tauhan ng Maritime Police na umano’y gumulpi sa kanyang anak sa Navotas City.
Sa kabila ng kawalan ng interes na isulong ang reklamo, tiniyak naman ng bagong upong hepe ng Navotas police P/Col. Mario Cortes na magsasagawa pa rin sila ng imbestigasyon sa naturang insidente lalu pa’t hindi lamang mga tauhan ng Maritime Police ang umano’y bumugbog sa binatilyo kundi mayroon pang mga batilyo o trabahador sa fishport upang hindi na maulit pa ang pangyayari.
Una ng nagreklamo sa Navotas Police Station ang ina ng binatilyo matapos umanong hatawin ng matigas na bagay sa ulo at iba’t-ibang bahagi ng katawan, at pagsisipain pa ng mga tauhan ng Maritime Police noong Biyernes ng umaga sa loob ng Navotas Fishport Complex sa Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS).
Pinagbintangan umano na may kinalaman sa nawawalang cellphone ng isang batilyo ang binatilyo kaya’t dinakip ng mga tauhan ng Maritime police dakong alas-5 ng umaga at pinahirapan.
Nang samahan ng mga pulis ang biktima sa Maritime Police Station sa Navotas Fishport Complex upang kilalanin ang mga nanakit sa kanya, wala umano sa naturang tanggapan ang mga sangkot na pulis.
Nagulat na lang ang mga imbestigador nang gumawa ng nilagdaang affidavit ang ina ng biktima kung saan nakasaad na matapos niyang mapag-aralan ang mga bagay-bagay ay napagtanto at napag-isipan na isa lamang itong uri ng hindi pagkakaunawaan. Ayon kay Col. Cortes, may namagitan umano sa naturang usapin na kumausap sa ina ng binatilyo na dahilan ng pagkakaroon ng aregluhan.
More Stories
ZERO BUDGET DESERVE NI VP SARA – ESPIRITU
IMEE, VILLAR UMABOT NA SA P1-B ANG GASTOS SA POLITICAL ADS
KUWAITI NATIONAL UMAMIN SA PAGPATAY SA OFW