NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa registered owner at driver ng truck na sangkot sa madugong aksidente sa Quezon City noong Martes, Disyembre 5.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, inisyu ang nasabing SCO bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring karambola ng mga sasakyan sa Katipunan Avenue flyover sa Barangay Loyola Heights na ikinamatay ng apat na katao habang hindi bababa sa 30 ang sugatan.
Base sa police report na isinumite sa LTO-Law Enforcement Service (LES), inararo ng Isuzu Wing Van Truck na may plakang No. RJK-719 na minamaneho ni Richard Mangupag, ang ilang sasakyan at motorsiklo sa kahabaan ng kalsada.
“Part of the investigation we are conducting is to determine if there are lapses on the part of the registered owner, especially on the aspect of road worthiness and the employment of the driver,” ayon kay Assec Mendoza.
“Apat ang namatay dito at mahigit 25 ang nasugatan at ang ating imbestigasyon ay upang matiyak na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima ng insidenteng ito,” dagdag niya.
Sa SCO na nilagdaan ni LTO-LES director Eduardo de Guzman, pinagpapaliwanag ang register owner kung bakit hindi siya dapat panagutin hinggil sa naturang insidente.
“In view thereof, you, as the registered owner of the complained motor vehicle, are hereby directed to submit a written explanation why you should not be administratively charged for Employing Reckless Driver,” mababasa sa SCO.
Nakasaad din dito na ang pagtatrabaho ng mga nagmamaneho ng walang pag-iingat ay labag sa Paragraph 7 Title IV ng Joint Administrative Order 2014-01.
Sa kabilang dako, inatasan din si Mangupag na isiumite ang kanyang sariling written explanation kung bakit hindi dapat siyang kasuhan ng Reckless Driving (Sec. 48 ng R.A. 41236) at kung bakit hindi maaring suspendehin o i-revoke ang kanyang driver’s license dahil sa pagiging isang Improper Person to Operate o Motor Vehicle kaugnay sa insidente.
Ayon kay Assec Mendoza, ‘preventively suspended’ sa loob ng 90 araw ang driving privilege ni Mangupag at inatasan na rin na isuko ang kanyang driver license sa o bago mag Disyembre 10, ang schedule ng unang hearing.
Sinabi rin ni Assec Mendoza na ang driver’s license at Plate No. RJK-719 ay isasailalim sa alarm status kung saan hindi maaaring mag-renew o mag-update ng lisensya, magbago ng may-ari ng sasakyan, o mag-transact ng anumang uri ng dokumento hanggang sa matapos ang imbestigasyon.
“Failure to appear and submit the written comments/explanations as required shall be construed by this Office as a waiver of your rights to be heard, and the case shall be decided based on the evidence at hand,” mababasa pa sa SCO.
More Stories
LEO FRANCIS MARCOS, INATRAS KANDIDATURA
Galvez sa MILF: Magsagawa ng imbestigasyon… 4 PATAY KABILANG ANG 2 SUNDALO, 12 IBA PA SUGATAN SA PANANAMBANG SA BASILAN
CIDG ‘KOLEKTONG ISYU’ MATULDUKAN NA KAYA?