May 12, 2025

Red-Tagging? Kabaong na May Pangalan ng mga Partylist, Ikinabahala ng Publiko

MAYNILA — Ilang araw bago ang nalalapit na halalan, ikinagulat ng publiko ang pagkalat ng mga kabaong sa iba’t ibang lugar sa bansa, kabilang ang lalawigan ng Tarlac, Quezon Avenue, Tomas Morato sa Quezon City, Daraga sa Albay, at ilang bahagi ng Bulacan.

Bagama’t walang lamang bangkay ang mga kabaong, ikinabahala pa rin ito ng mga residente dahil sa mga nakakakilabot na imahe at mensaheng kalakip nito. Nakapaskil sa mga kabaong ang larawan ng isang babae na sinasabing miyembro ng New People’s Army (NPA), gayundin ang kalatas na may nakasaad na “HUWAG IBOTO” kasunod ng pangalan ng mga progresibong partylist gaya ng ACT Teachers Partylist, Kabataan, at Gabriela.

Ayon sa mga ulat, mistulang bahagi ito ng isang maruming kampanya upang siraan ang ilang partylist group sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga ito sa armadong kilusan.

Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang alamin kung sino ang nasa likod ng pagkalat ng kabaong at kung ano ang layunin ng nasabing aktibidad. Tinitingnan din ng mga otoridad kung may nilabag na batas sa ginawang pananakot at posibleng red-tagging laban sa naturang mga grupo.

Mariing kinondena ng mga nabanggit na partylist ang insidente at nanawagan sa Commission on Elections (Comelec) at mga awtoridad na protektahan ang demokratikong proseso at hadlangan ang anumang uri ng pananakot o panggigipit sa mga lehitimong kalahok sa eleksyon.

Patuloy ang pagmo-monitor ng pulisya at media sa iba pang posibleng lugar na lalagyan pa ng katulad na kabaong, habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.