
Pinuri ni Finance Secretary Ralph G. Recto ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) matapos nitong magremit ng kabuuang ₱5.17 bilyon sa National Treasury, na inaasahang magpapalawak pa ng mga oportunidad pang-ekonomiya para sa mga Pilipino.
Ang naturang remittance ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang fiscal discipline sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs), at tiyaking mas mapakinabangan ng pamahalaan ang non-tax revenues upang suportahan ang mga prayoridad na programa—nang hindi na kailangang magpataw ng bagong buwis.
Ayon kay Recto, ang remittance ay binubuo ng:
- ₱2.04 bilyong cash dividends—ang pinakamataas na nairemit ng BCDA sa kasaysayan nito, katumbas ng 80% ng netong kita nito para sa 2024. Lumagpas ito sa 75% benchmark na itinakda ng Department of Finance (DOF) para sa GOCCs.
- ₱3.13 bilyon mula sa asset disposition proceeds o kita mula sa mga naibentang lupa ng gobyerno ngayong taon.
“Patunay kayo na kapag pinagsama ang propesyonalismo at pagkamakabayan, ang resulta ay kaunlaran para sa lahat,” ani Recto sa isinagawang ceremonial turnover.
“Hindi lang kayo tumutupad sa tungkulin—lumalagpas pa kayo. Boundary na, may bonus,” dagdag pa niya.
Binanggit din ni Recto na ang ₱5.17 bilyon ay maaaring pondohan ang:
- Halos 2,000 bagong silid-aralan,
- Abono para sa kalahating milyong ektarya ng palayan,
- O humigit-kumulang 250 milyong mainit na pagkain para sa mga batang Pilipino.
“Kung ibubuhos sa Armed Forces of the Philippines (AFP), lalo pang mapapalakas ang kanilang kapakanan at kagamitan,” ani Recto.
Sa bahagi ng DOF, tiniyak ni Recto ang buong suporta sa BCDA upang mas mapalago pa ang halaga ng kanilang asset portfolio, na posibleng maghatid ng mas malaking kita at dibidendo sa gobyerno.
“Bawat lupang bakante na ginagawang sentro ng kabuhayan ay nagsisilbing tagalikha ng trabaho, tagahatak ng talento, tagadagdag ng kita, at tagabuo ng pag-asa,” pahayag ng kalihim.
Binigyang-diin din niya ang mga imprastrukturang tulad ng railway patungong Clark at subway papuntang BGC, na aniya’y patunay ng kumpiyansa ng pamahalaan sa kakayahan ng baselands conversion para sa pangmatagalang kaunlaran.
Samantala, sa kanyang tugon, sinabi ni BCDA President at CEO Joshua Bingcang na nananatiling committed ang BCDA sa pag-unlad ng mga rehiyon at pagpapalawak ng mga oportunidad sa mga Pilipino.
“Ang BCDA ay patuloy na magsisilbing instrumento ng tunay na pagbabago, alinsunod sa layunin ng Bagong Pilipinas,” ani Bingcang.
Kabilang sa mga proyekto ng BCDA ang Bonifacio Global City, New Clark City, at Newport City—mga ehemplo ng matagumpay na conversion ng dating military bases tungo sa masigla at modernong mga komunidad.
Dumalo rin sa turnover ceremony sina National Treasurer Sharon Almanza, BCDA Chairman Hilario Paredes, DOF Undersecretaries Maria Luwalhati Dorotan Tiuseco at Catherine Fong, DOF Assistant Secretary Eufrocinio Bernabe Jr., at iba pang opisyal.
More Stories
PH umaangat sa global competitiveness ranking, pero kulelat pa rin sa Asia-Pacific
Ang Dilemma ng Teacher Exodus sa Gitna ng Kakulangan sa Pagpapahalaga
DMCI Homes at MPower, nagsanib-puwersa para sa mas murang kuryente sa mga condominium