
Pinagtibay ni Finance Secretary Ralph G. Recto ang mga panuntunan ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay sa balikbayan boxes upang matiyak ang ligtas at maagap na pagdating ng mga padala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang mga pamilya.
Ito ay matapos ang pagpirma sa isang Joint Administrative Order (JAO) na layuning paigtingin ang mga proteksyon sa mga balikbayan box at wakasan ang mga problema sa pagkaantala, pagkakabimbin, o pagkawala ng mga padalang kargamento mula sa ibang bansa.
Ang nasabing hakbang ay tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na bigyang suporta ang mga OFW bilang mga “bagong bayani” ng bansa.
“It is our duty to defend every peso our OFWs send home — including what’s inside their balikbayan boxes. This JAO will allow us in the DOF to make sure that your shipments do not land in the hands of fraudulent consolidators,” ayon kay Secretary Recto.
“Sisiguraduhin namin na ang mga padala niyo ay makakarating sa kamay ng inyong mga mahal sa buhay ng buo, ligtas, at sa tamang oras,” dagdag pa niya.
Ang JAO ay magkatuwang na inilabas ng Department of Finance (DOF), Department of Migrant Workers (DMW), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Transportation (DOTr), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Bureau of Customs (BOC), at Philippine Ports Authority (PPA).
Layunin ng kautusan na maprotektahan ang mga OFW laban sa mga mapagsamantalang freight forwarders at deconsolidators sa pamamagitan ng malinaw na regulasyon, pagrehistro ng mga lehitimong kumpanya, at pagtukoy sa mga lumalabag.
Ilalatag ng BOC, sa ilalim ng pangangasiwa ng DOF, ang mga patakaran para sa pagpaparehistro ng mga third-party deconsolidators, gayundin ang proseso para sa pag-aayos ng mga abandonadong balikbayan boxes at paniningil ng kaukulang bayarin.
Magkakaroon din ng karampatang kapangyarihan ang BOC na suspendihin o kanselahin ang rehistro ng mga deconsolidators na lalabag sa alituntunin.
Maglalabas ang BOC ng listahan ng mga rehistradong deconsolidators, mga karapatan ng OFWs, at ulat kaugnay sa mga abandonadong kahon at estado ng kanilang delivery sa opisyal na website ng ahensya.
Ang JAO ay magkakabisa 30 araw matapos mailathala sa hindi bababa sa dalawang pahayagan na may malawak na sirkulasyon at maisumite sa Office of the National Administrative Register (ONAR) ng UP Law Center sa Diliman, Quezon City.
Sa pamamagitan ng bagong kautusang ito, inaasahang mas mapapangalagaan ang pawis at sakripisyo ng milyon-milyong OFWs na patuloy na nagbibigay suporta sa kanilang mga pamilya at sa ekonomiya ng Pilipinas.
More Stories
Mahigit 150 Kabataan, Sasabak sa IRONKIDS Subic ngayong Sabado
Marcos sinisi ang mga nakaraang administrasyon sa pagkasira ng San Juanico Bridge
SENATE DELAY TACTIC, ‘ESCAPE HATCH’ NI VP SARA SA IMPEACHMENT – COLMENARES