February 21, 2025

RECTO NAKAKUHA NG EU GRANT PARA PROTEKTAHAN ANG KARAPATAN NG MGA FILIPINO SA MAKATARUNGANG JUSTICE SYSTEM

NAKAKUHA ng pondo si Finance Secretary Ralph Recto mula sa European Union (EU) para sa isang programa na naglalayong protektahan ang karapatan ng mga Filipino sa isang responsive na justice system, na susi sa pagkamit ng seguridad at kasaganaan sa ekonomiya.

Nilagdaan noong Nobyembre 22, 2024 ang grant agreement para sa Enabling Justice and Rule of Law in the Philippines of the Justice Sector Coordinating Council (JSCC) na nagkakahalaga ng ng EUR 16.5 million (aabot sa P1.0 bilyon). Ang grants ay ang mga financing instrument na ibinibigay ng development partners na walang obligasyon sa pagbabayad.

Naglalayon ang programa na makapag-ambag sa socio-economic development ng Pilipinas sa pamamagitan ng paglikha ng isang mas epektibo, inklusibo at responsableng justice system.

“This agreement is of great importance to us because we recognize that economic progress and the rule of law must go hand in hand,” saad ni Recto sa kanyang opening remarks sa ceremonial exchange of document nitong Pebrero 19, 2025.

Binigyang-diin niya na walang tunay na pag-unlad sa ekonomiya kung walang tiwala sa batas dahil hindi makakapag-participate nang may kumpiyansa ang mga tao sa ekonomiya, hindi nila matutuklasan ang mas magandang mga oportunidad, at hindi nila mabubuo ang isang hinaharap na may dignidad kung hindi pinapanatili ang kaayusan.

“And without progress, our people cannot reach their full economic potential, keeping them in the grip of poverty. Ultimately, a properly functioning justice system is key to achieving economic security and prosperity,” saad niya.

“Kaya sa tulong ng programang ito, pinagtitibay po natin ang koordinasyon ng ating mga justice institutions at lokal na pamahalaan upang mapabilis at mapalawak ang paghahatid ng hustisya sa bawat Pilipino,” dagdag pa ng Finance chief.