April 24, 2025

REBELDE NA NANUNOG NG SIMBAHAN SA ILIGAN, ARETADO SA BUKIDNON

LARAWAN MULA SA CIDG

BUKIDNON — Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang hinihinalang miyembro ng kilusang komunista na sangkot umano sa pagsunog ng isang simbahan sa Iligan City noong 2020.

Kinilala ni CIDG director Maj. Gen. Nicolas Torre III ang suspek sa alyas “Christopher,” na naaresto sa follow-up operation sa Barangay Tikalaan, Talakag, Bukidnon noong Abril 20.

Si Christopher ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9851, o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, kaugnay ng umano’y panununog sa isang simbahan at ilang bahay noong 2020.

Ayon kay Torre, miyembro umano ang suspek ng Hospital Squad ng Sub Regional Committee 5 sa ilalim ng Northern Central Mindanao Regional Committee (SRC-5, NCMRC). Isa rin siya sa mga most wanted personalities sa Northern Mindanao, nakalista bilang ika-lima.

Kabilang si Christopher sa grupo ng mga rebeldeng pinaniniwalaang nagsunog sa Lord Assembly Church noong Mayo 28, 2020 — isang taktika umano upang ilihis ang pansin ng mga sundalong humahabol sa kanila.

Ang pag-aresto kay Christopher ay bahagi ng malawakang operasyon ng CIDG sa panahon ng Holy Week, kung saan mahigit 200 wanted persons ang naaresto sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa mga naaresto, 19 ang kabilang sa listahan ng mga most wanted, 7 ang dayuhan, at 2 ay mga tumakas sa kulungan. Kabilang din sa mga nadakip ang mga suspek sa kasong kidnapping-for-ransom with homicide ng negosyanteng Filipino-Chinese na si Anson Que at ng kanyang driver.

Bukod sa mga aresto, nakumpiska rin ang 21 loose firearms at tone-toneladang pekeng produkto gaya ng laptops, sigarilyo, diapers, chainsaws at abono na tinatayang nagkakahalaga ng P109 milyon.

“Patunay ito na tuloy-tuloy ang ating kampanya laban sa kriminalidad at sa mga grupong patuloy na sumisira sa kapayapaan at kaayusan,” ani Gen. Torre.