ARESTADO ang isang manyakis na lalaking akusado sa panghahalay sa menor-de-edad na biktima matapos matunton ng mga tauhan ng Valenzuela City Police ang kanyang pinagtaguan sa lalawigan ng Samar, kamakalawa ng tanghali.
Kaagad na inaprobahan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas ang hiling ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr. na payagang bumiyahe sa lalawigan ng Samar ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela police makaraang makumpirma na doon nagtago ang lalaking may nakabimbing kaso ng statutory rape at rape by sexual assault sa Valenzuela Regional Trial Court (RTC).
Sa kanyang report kay BGen. Gapas, sinabi ni Col. Destura na nakatala ang akusadong si Jerwin Diaz, 31, residente ng 10-D Bonifacio St. Brgy, Canumay East bilang Top 6 Most Wanted Person ng NPD at Top 2 naman sa Lungsod ng Valenzuela matapos takasan ang kasong kanyang kinakaharap.
Armado ng arrest warrant na inilabas noong Hunyo 29, 2023 ni Valenzuela RTC Presiding Judge Mateo B. Altarejos ng Family Court Branch 16 laban sa akusado, bumiyahe patungo sa bayan ng Sta Margarita sa Samar ang mga pulis, sa pangunguna ni P/Lt. Ronald Bautista.
Sa tulong ni P/Lt. Elbest Taping, ang hepe ng Sta Margarita Municipal Police Station, natunton ng mga operatiba ng WSS ang akusado sa Barangay Napuro 2 sa naturang bayan na nagresulta sa pagkakadakip sa kanya dakong alas-12 ng tanghali.
Pansamantalang ipiniit muna sa Sta Margarita Police Station ang akusado bago ibiyahe patungo sa tanggapan ng WSS ng Valenzuela Police Station upang isailalim sa tamang dokumentasyon habang hinihintay ang kautusan ng hukuman.
More Stories
CONVERGE MAGKASUNOD ANG PANALO
Navotas, tumanggap ng Gawad Kalasag
NAVOTAS, NAGSIMULA NANG MAMAHAGI NG TAUNANG NAVOSPASKO HAM