Arestado ang isang 19-anyos na lalaking nahaharap sa mabigat na kasong panggagahasa matapos itong kumagat sa pain ng pulisya nang muling makipagkita sa biktima Miyerkules ng hapon sa Valenzuela City.
Si Mark Jayson Pasamonte, residente ng De Castro Purok 4, Mapulang Lupa, Ugong, Valenzuela City ay nahaharap sa tatlong bilang na kasong panggagahasa at paglabag sa R.A. 7610 o Child Abuse sa sala ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Judge Mateo B. Altajeros ng Branch 26 na siyang naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya noong Disyembre 11, 2020.
Walang piyansang inirekomenda ang korte sa kasong panggagahasa habang nagtakda naman ng P80,000.00 sa kasong paglabag sa R.A 7610.
Ayon kay P/Lt. Melito Pabon ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD), nalaman nila mula sa 16-anyos na biktima ang paghihimok ng akusado na muling makipagkita sa dalagita sa kabila ng ginawang panghahalay umano sa biktima na naganap noong buwan ng Agosto hanggang Setyembre ng taong 2020.
Kaagad na nakipag-ugnayan ang DSOU kay P/Maj. Vicky Tamayo, hepe ng District Women and Children’s Protection Desk (WCPD) upang isagawa ang pagdakip kay Pasamonte sa pamamagitan ng pakikipagkasundo ng biktima na muli silang magkita ng akusado.
Dakong alas-3:30 ng hapon ng Miyerkules nang makipagkasundo ang biktima sa akusado na makipagkita sa isang bantog na convenience store sa Bagbaguin, Valenzuela City na nagresulta sa kanyang pagkakadakip. Pinuri naman ni NPD Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo Jr. ang mga tauhan ng DSOU at DWCPD sa pagkakadakip kay Pasamonte na kabilang sa listahan ng mga most wanted person ng Valenzuela City.
More Stories
PAGGUNITA SA ALL SAINTS’ DAY GENERALLY PEACEFULL
NOVEMBER 4 IDINEKLARANG NATIONAL MOURNING PARA SA KRISTINE VICTIMS
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna