January 25, 2025

QUIJANO, MATAAC, HARI AT REYNA NG 1ST BKCCI MARINDUQUE GOVERNOR’S CUP 2022

Ang mga namayani sa 1st Governor’s Cup Chess Championship sa Marinduque na sina Toche Quijano( open),Rodolfo Lanuza ,Jr. ( seniors)at Shermaine Oh( kiddies) sa awarding ceremony sa pangangasiwa ni Gng.Rona Bautista.Nasa larawan din sina BKCCI officials coordinator Giovanni Buhain,pres.Engr.Lauro Bautista,Dr. Fred Paez at arbiter Gener Vitto.

PINAGHARIAN ng isang estudyante ng Mindanao State Colleges ang idinaos na Ist Governor’s Cup Chess Championship sa MSC Stadium,Tanza,Boac, Marinduque nitong nakaraang weekend.

     Ang pride ng Bicas -Bicas sa Buenavista ng lalawigan na si Toche Quijano ay nalikom ang suma- total na 5 puntos sa torneong 5-round Swiss System na solo liderato upang makopo ang titulo ng kaganapang handog ni Marinduque Governor Presbiterio Velasco,Jr.kasuporta rin si Cong.Lord Allan Velasco.

   Tabla sa segunda puwesto sina Richard Pelaez at Joseph Ricafrente na may kapwa 4.5 puntos pero mas angat si Pelaez sa bisa ng win over the other quotient.

  Tig-apat  na puntos naman sina John Christopher  Corcuera,Jeric Mendoza,Marc Dangel Perilla at 3.5 kina Ronelo Embing,Marc Vincent Manali at John Timothy Fiedelan ayon sa pagkakasunod.

   Isang 16-anyos naman ang nagreyna sa female division sa katauhan ni Serelyn May  Mataac ng Bgy .Matalaba sa bayan ng Sta Cruz.

  Kumawala si Mataac sa four- way tie (4 points)kina Candy Mangundi,Vanessa Joy Regalado at Maricar Andrin para hablutin ang titulo para sa kababaihan.

     Pinatunayan naman ng 68-anyos  woodpusher na si Rodolfo Lanuza,Jr. ang talas pa ng kanyang utak kahit matanda na ang pisikal na anyo upang tanghaling top senior ng torneong  inorganisa ng Boac Knight Chess Club,Inc. sa pamumuno ni pres. Engr. Lauro Bautista kaagapay si event coordinator ( BKCCI) Giovanni Buhain.

    Nagpasiklab naman ang batang chess player na si Lanette Shemaine Oh upang lumikom ng kabuuang 4 puntos  sa kiddies division.

    “Kahit na sino sa mga namayagpag sa kanilang kategorya ay deserving sa handog sa papremyo ni Governor Velasco.Lahat sila ay ang  taas ng adrenaline sa laro na na-inspire sa sa mensahe ng espesyal na panauhing si WGM Janelle Mae Frayna.Nais din nilang  matupad ang wish ni Governor Velasco na mangmumula sa bayan ng Marinduque ang susunod na grandmaster sa malaong hinaharap”, wika ni Buhain.  

Kaagapay sa isang araw na  torneo sina Mrs Rona Bautista,arbiter  Gener  Vitto at Marinduque pride Laguna-based  chess leader Philippine Executive Chess Association( PECA) pres. Dr.Fred Paez.