November 25, 2024

QUICK RESPONSE FEEDBACK SYSTEM TUTUGON SA KORUPSYON SA BI

Inanunsiyo ng Bureau of Immigration (BI) ang implementasyon ng Quick Response (QR) feedback system sa mga tanggapan ng kagawaran upang mapabuti ang serbisyo nito sa publiko.

Ayon kay BI Committee on Good Governance Chief Rey Arvin Sevilla, ang mas pinaigting na feedback system ay ipatutupad sa punong tanggapan ng BI sa Intramuros, Manila gayundin sa Ninoy Aquino International Airport.

“This would allow us to gain much needed immediate feedback from the public, as well as eliminate the use of pen and paper, which can contribute to the spread of COVID-19,” pahayag ni Sevilla.

Binubuo ang feedback system ng QR code, kung saan mapupunta sa BI client feedback form, at dito makakapagbigay ang service users ng kanilang pahayag ukol sa natanggap na serbisyo mula sa ahensya.

Sinabi pa ni Sevilla na ang naturang hakbang ay tatalima sa requirements na itinakda ng Anti-Red Tape Authority ng bansa, na nagmamandato sa pagkakaroon ng feedback mechanism para sa publiko.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, napapanahon ang papapatupad ng QR mechanism dahil sa mga isyu ng katiwalian na bumabalot sa BI.

 “It would allow the public to immediately report any malpractice that they encounter,” dagdag niya.

Inilabas ang pahayag matapos umanong masangkot ang ilang tauhan ng BI sa kaso ng human trafficking, na ibinulgar ni Senator Risa Hontiveros sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality.

 “Those involved in such anomalous activities will face the harshest penalties of the law,”  ayon kay Morente.