November 17, 2024

Quiboloy umaming nagtatago… ‘APPOINTED SON OF GOD’ PAPATAYIN

SA kabila ng pangpe-pressure sa kanya ng Senado at Kamara para humarap sa kanilang pagdinig, inamin ni Kingdom of Jesus Christ (KJC) pastor Apollo Quiboloy na nagtatago siya dahil sa umano’y tangkang pagpatay sa kanya.

Sa 36 minuto na voice message na ini-upload sa YouTube ngayong Miyerkules ng umaga, inakusahan ni Quiboloy ang gobyerno ng Estados Unidos na naglunsad ng assassination plot laban sa kanya.

Ayon kay Quibiloy, nagpatawag siya ng press conference pero hindi niya na ito itinuloy dahil sa banta sa kanyang buhay na dahilan kaya hindi siya mahagilap sa ngayon.

Ito ang unang pagkakataon sa mga nakalipas na linggo na nagsalita sa publiko ang self-proclaimed na “Appointed Son of God” sa kabila ng congressional inquiries na hinihiling ang kanyang presensiya.

Ipina-subpoena siya ng Senado para humarap sa Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na pinangungunahan ni Sen. Risa Hontiveros, na siyang nag-iimbestiga sa alegasyon ng mga pang-aabuso kababaihan at kabataan na kinasasangkutan ni Quiboloy.

Kinakailangan din ng Kamara ang kanyang presensiya sa Marso 12 sa Committee on Legislative Franchise na iniimbestigahan naman ang umano’y paglabag sa KJC-owned Sonshine Media Network Inc. sa terms ng prangkisa nito.

Sinabi naman ni Quiboloy na imbes na arestuhin siya, nagplano raw umano ang US authorities na pasukin ang kanyang compound at ipakikidnap siya… o ipapapatay.

Ikinalungkot niya na si Pangulong Marcos ay diumano’y “nakipagsabwatan” sa US upang isagawa ang planong pagpatay laban sa kanya.

Taong 2022 nang malabas ang US Federal Bureau of Investigation ng ‘Wanted’ posters ni Quiboloy dahil sa umano’y pagsasangkot sa labor trafficking scheme kung saan dinala nito ang mga church member sa United States sa pamamagitan ng pekeng visas at pinuwersa ang mga miyembro na mag-solicit ng donasyon para sa bogus charity, na ginamit para tustusan ang church operation at marangyang pamumuhay ng mga lider nito.