January 24, 2025

QUIBOLOY NAOSPITAL – PNP

DINALA sa ospital si Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy simula pa noong Biyernes dahil sa pananakit ng dibdib at irregular heartbeat.

Sa isang press conference na isinagawa sa Camp Crame sa Quezon City nitong Lunes, kinumpirma ni PNP information chief at spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, naka-confine si Quiboloy, na bilanggo ng PNP Custodial Center, sa Philippine Heart Center (PHC) para masuring mabuti ang kanyang kalagayan.


Aniya pinayagan si Quiboloy ng Pasig Regional Trial Court matapos nitong idaing ang pananakit ng kanyang dibdib noong Nobyembre 7, kaya nagsagawa ang PNP General Hospital (PNPGH) ng isang electrocardiogram sa kanya.

Inihayag ni Fajardo na batay sa paunang pagsusuri ng PNP Health Service kay Quiboloy, mayroon siyang “atrial fibrillation in rapid ventricular response” o “irregular heartbeat” na maaaring ikonsiderang “life-threatening.”

Dahil dito, inirekomenda ng PNP Health Service na magkaroon pa ng checkup kay Quiboloy at naghain ang kampo niya ng urgent petition sa korte para madala sa ospital ang lider ng KOJC.

Nahaharap sa santambak na kasong kriminal ang kontrobersyal na religious leader. Kabilang sa mga kinakaharap na asunto ng tinaguriang “Son of God” qualified human trafficking na isinampa sa Pasig City regional trial court at kasong panghahalay na nasa Quezon City RTC.

Kapwa walang piyansa ang mga nabanggit na kaso. Swak din sa rekord ni Quiboloy ang kasong paglabag sa Republic Act 7610 na mas kilala sa tawag na Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.