Kasabay ng paglitaw ng bagong variant ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na Omicron sa buong mundo, nagbanta ang Kingdom of Jesus Christ founder na si Pastor Apollo Quiboloy na makakaranas ng marami pang pandemya kung hindi ititigil ang pagbigay ng mga malisyosong pahayag laban sa kanya.
Sa isinagawang fellowship o pagsamba ng mga miyembro Kingdom of Jesus Christ, kanyang sinabi na ang bagong COVID-19 variant ay resulta kung paano tratuhin ang “appointed son of God.”
Ito ay may kaugnayan pa rin sa isinampang kaso ng US federal authorities patungkol sa sex trafficking charges laban sa 71-anyos na pastor.
Ayon kay Pastor Quiboloy, nagsasabi siya ng totoo kaya hindi dapat gawing biro o ipagpatuloy ang pag-uusig laban sa kanya dahil maaaring maranasan pa ang mga virus na mas matindi pa sa Omicron variant.
Kung maaalala, muli siyang sinampahan ng kasong sex trafficking matapos masangkot sa pag-recruit ng mga babae na edad 12 hanggang 25-anyos bilang mga personal assistant.
Ang mga ito umano ang naghahanda ng mga pagkain, maglinis ng kanyang bahay, nagmamasahe at nakikipagtalik pa raw sa kanya.
Una na rin na sinampahan ng kasong rape at sex trafficking si Quiboloy sa Davao ngunit pareho itong binasura dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA