November 26, 2024

QCPD natakasan ng 6 POGO workers; 15 pulis sibak

Sibak sa serbisyo ang 15 pulis ng Quezon City Police District (QCPD) matapos matakasan ng 6 Chinese na nagtatrabaho sa Philippine offshore gaming operator (POGO) noong Hunyo 22.

Ayon sa QCPD, ang mga pulis na ito ay nakatalaga sa District Mobile Force Battalion. Mahaharap din sila sa reklamong criminal dahil sa paglabag sa Article 224 of the Revised Penal Code o Evasion through Negligence.

Inalisan na rin ang mga pulis ng armas habang isinasagawa ang imbestigasyon para sa pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal laban sa kanila.

Papaano ito nangyari? Noong Disyembre 19, 2019, inaresto ang 342 Chinese POGO workers nang walang working visas matapos salakayin ang isang POGO na nag-o-operate sa Maynila na walang permit.

Dinala ang mga Chinese na ito sa isang “temporary detention center” sa loob ng Camp Karingal – ang main headquarters ng QCPD.

Nakapuga ang mga Chinese na sina Zhang Yi Xin; Ludong Jin; Song Qicheng; Lu Yinliang; Huang Yong Qiao at Chen Bin.

Kalaunan ay nadakip ang anim sa kanila malapit sa sapa sa Mapagkumbaba Street kanto ng Fugencio Street sa Barangay Krus na Ligas ng alas-9:30 ng gabi noong June 23.