NAKUMPLETO na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pamamahagi ng P2.48 bilyon na financial assistance na galing sa national government noong Huwebes, limang araw bago ang itinakdang deadline ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Nitong Agosto 28, nakuha na ng nasa kabuuang 2,339,420 indibidwal o 747,520 pamilya ang kanilang P1,000 hanggang P4,000 na ayuda mula sa iba’t ibang distribution center sa siyudad. Bagama’t mayroon pa ring 89,154 ang hindi pa nakukuha ang kanilang financial aid dahil hindi sila sumipot sa kanilang schedule.
Gayunpaman, sinimulan na ng lungsod ang pagbabayad sa mga hindi pa nakakuha ng ayuda na nakaligtaan ang kanilang payout schedule.
“Sa tulong ng mga city department, barangay, at law enforcers, nai-distribute natin agad ang ayuda para sa mga indigent nating mamamayan,” sambit ni Mayor Joy Belmonte.
Binigyang diin din ng alkalde na nagawang mapaimahagi ng lungsod ang cash aid habang sumusunod sa minimum health atsafety protocols sa pamamagitan ng paglilimita ng bilang ng naka-schedule na mga benepisyaryo kada araw sa bawat site.
Ayon kay Social Services Development Department (SSDD) head Fe Macale, ilang araw bago ipamahagi ang ayuda, nag-update ang siyudad ng beneficiary list upang alisin ang mga hindi nararapat at doble ang pangalan.
“Kaya naging mabilis at maayos ang distribution natin ngayon kasi malinis na ‘yung listahan natin. Inayos natin ito para ma-update ‘yung listahan at mabigyan ang mga residenteng nararapat talagang mabigyan ng ayuda,” paliwanag ni Macale.
More Stories
P21-M SHABU NASABAT SA 2 HIGH VALUE INDIVIDUAL SA QUEZON
2 tulak, kulong sa higit P.1M droga sa Caloocan
PAGAWAAN NG PEKENG VITAMINS SINALAKAY NG NBI (Washing machine ginagamit na panghalo)