November 23, 2024

QC nagmala-Jumanji: Ostrich nakawala sa isang private subdivision

TRENDING ngayon sa Twitter ang isang ostrich na namataang nanakbo sa isang pribadong subdibisyon sa Quezon City.

Anila, parang tagpo ito sa pelikulang Jumanji na inilibas noong 1995, kung saan ang mababangis na hayop ay napadpad sa siyudad sa pamamagitan ng mahiwagang board game.

Sa nakuhang video na kumakalat ngayon sa social media, makikitang nanakbo ang isang ostrich sa kahabaan ng Mapayapa Village III.

Ayon kay Dino Rivera, isa sa mga nakakuha ng video, may bibilhin lang sana siya nang makita niya ang isang ostrich na tumatakbo sa kanilang kalsada.

Sa isa pang kuha, kamuntikan namang makalabas ng gate ang ostrich pero napigilan ito ng guard.

Hindi rin maiwasan na ikumpara ang naturang ostrich sa mga opisyal na gobyerno na lumabag sa quarantine, nang makita ang naturang ibon na umatras matapos sitahin ng isang security guard dahil wala itong gate pass.

“Wala kang ID, hindi ka pwede lumabas…wala kang gate pass,” biro ng isang residente sa lugar.

Sa tulong ng mga security guard, construction worker at ilang residente, nahuli ang ostrich.

Samantala, naging tampulan ng pang-aasar ang “oustrich” ng mga kritiko ng administrasyon, matapos mag-trending ang hashtag na “OustTheTurtle.

Ayon sa asosasyon ng nasabing village, alaga ng  isa nilang residente ang naturang ibon.