March 29, 2025

QC NAGDEKLARA NG DENGUE OUTBREAK

Nagdeklara si Quezon City Mayor Joy Belmonte ng dengue outbreak sa naturang lungsod matapos pumalo sa 1,700 ang nagka-dengue, habang sampu naman ang namatay dahil sa sakit sa unang dalawang buwan ngayong 2025.

Ang bilang ng kaso ng dengue sa Quezon City sa unang anim na linggo ngayong 2025 ay mas mataas kumpara sa 1,034 dengue cases na naitala sa siyudad noong 2019.

 “Sampu na ang namatay at walo sa kanila ay mga menor de edad… Karamihan sa kanila ay namatay sa nakalipas na 14 na araw,” ayon kay Belmonte..

“Hindi po natin layunin na takutin ang publiko at magpanic ang lahat… Sa halip, ang gusto natin ay maging mas alerto ang publiko,” dagdag pa nito.


Sa 142 barangay ng Quezon City, ang mga kaso ay nakatuon sa 76 na barangay, ayon sa datos mula sa pamahalaang lungsod.


Noong Pebrero 14, 2025, ang Barangay Batasan Hills ang may pinakamataas na bilang ng mga kaso na umabot sa 133, sinundan ng Barangay Payatas na may 102, at Barangay Commonwealth na may 92.

 “Ito yung malalaki nating barangay sa district 2… Maraming tao dito kaya maraming naapektuhan,” sambit ni Dr. Rolando Cruz, chief epidemiologist ng Quezon City. 

Halos kalahati ng mga tinamaan ng dengue ay mga menor de edad na nasa pagitan ng 1 at 10 taong gulang.

“Pag bata mas mataas ang tiyansa kasi hindi nila napapatay agad yung lamok… at yung immune response nila mas mababa,” ani Ramona Abarquez, head ng Quezon City Health Department.


Lahat ng mga health center ng barangay sa Quezon City ay inutusan na manatiling bukas 7 araw sa isang linggo sa susunod na dalawang linggo at pinayuhan ang mga resudente na dalhin dalhin ang sinumang may lagnat para sa check-up at tests, sabi ni Belmonte.

“Kapag napapansin na nilalagnat na yung bata, agad na dalhin sa health center It is best to be cautious and bring that child to the health center,” aniya.

“If the need is still sthere, these health centers will continue to remain open. We have enough resources to address the dengue outbreak now,” dagdag pa niya.

Pinayuhan din ng Quezon City School Division Office ang mga paaralan na alisin ang mga nakaimbak na tubig at posibleng pinagmumulan ng lamok sa kanilang mga lugar.

Papayagan ang mga estudyante na magsuot ng mahabang manggas at jogging pants sa klase, habang hinihimok ang mga magulang na maglagay ng insect repellent sa kanilang mga anak bago pumasok sa paaralan.