November 5, 2024

PUV DRIVERS, OPERATORS PINILIT PARA MAG-CONSOLIDATE?

NAIS imbestigahan ng isang party-list lawmaker ang sinasabing scam kung saan pinilit umano ang mga driver at operator ng public utility vehicle (PUV) para i-surrender ang kanilang prangkisa at mag-consolidate sa ilalim ng modernization program.

Tinukoy ni Kabataan Rep. Raoul Manuel bilang basehan ang statement ni Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) spokesperson Mody Floranda noong Disyembre 23, kung saan isang affidavit of conformity ang dinala sa bahay ng drivers at operators para pirmahan kasabay ng pananakot na hindi sila makakabiyahe kung ayaw pumirma at isurender ang kanilang prangkisa.

 “Kitang-kita dito na sapilitan ang pagtulak ng franchise consolidation. Hindi dapat niloloko ang mamamayan para lang magpatupad ng patakaran. Gawaing sindikato ito. Meron kayang nakukuha ang mga ahente ng mapanakot na scam na to? Dapat imbestigahan ang insidente na ito,” saad ni Manuel sa pagdinig ng House Committee on Transportation noong Miyerkules.

Hindi na nagbigay pa ng iba pang detalye si Manuel kaugnay sa umano’y scam.

Wala pang komento ang mga transport officials sa naturang bintang.

Ilang transport groups ang tumutol sa PUV modernization program dahil sa takot na ma-phase out ang mga tradisyunal na jeep na bigong makapasa sa roadworthiness test ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Nagsagawa ng ilang serye ng tigil-pasada ang transport group na PISTON at MANIBELA noong Nobyembre at Disyembre dahilan para iurong ang itinakdang Dec. 31 deadline para sa franchise consolidation sa January 31, 2024.