Akala yata ng mga pulitiko, bobo ang Pinoy. Ang ordinaryong mamamayang tulad ko nasusuka at nadidismaya na sa sobrang adik sa pulitika na sanhi ng pagkalugmok ng ekonomiya at pamumuhay ng bawat Pilipino.
Dahil sa sobrang pamumulitika ng mga namumuno at opisyal ng Pilipinas, napapabayaan na ang tunay na problema ng pamilyang Pilipino. Inuuna ang bangayan ng mga kumakamal ng salapi ng bansa ang sarili nilang ambisyon at paano kakapit sa puwesto.
Hindi isinasaalang-alang ang kalagayan ng mga naghihikahos na Pinoy.
Ang Malakanyang, nakagitna sa nag-uumpugang bato, ‘yan ang Mababang Kapulungan at Senado. Patuloy ang bangayan dahil sa pondong hindi naman dapat nilang pinagpapasasaan. Nag-imbento ng programa upang makagawa ng pondong para raw sa mga maralita, subalit hanggang ngayon ay nakalutang pa at ipinasa kay Secretary Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Alam ba ninyo mga Cabalen na ang P26.7 bilyong pondo na inaprubahan ng kongreso ay wala pa ding pinaglalaanan? Bakit? Hanggang ngayon ay wala pa itong Implementing Rules and Regulations (IRR)? Paano pinaglaanan ng pondong napakalaki ang DSWD AKAP Program na sinasabing para sa “Near Poor” Filipinos? Ang AKAP, mga Cabalen, ay Ayuda para sa Kapos ang Kita.
Layunin daw ng AKAP na ayudahan ang mga may mga maliliit na kita at hindi mapagkasya ang kanilang sweldo na pang tustos sa kanilang pamilya upang hindi bumalik sa paghihikahos. Ang problema, kailang po maitutulong yan kung hanggang ngayon ay hindi pa alam ang reglamento ukol dito? At papano ba ito pinondohan ng walang basehan kung ilan nga ba ang makikinabang.
Sinasabing gagamitin ito ng kongreso upang maisakatuparan ang kanilang hangaring makakalap ng pirma ukol sa programang People’s Initiative o PI, na itinatanggi ng ating mga kongresista. Hindi naman po tayo bobo mga Cabalen. Siyempre ito’y sobrang pulitika.
000
Marami ang kumukuwestiyon sa pagmamalabis daw ng Senado sa kanilang kapangyarihan hinggil sa pag-trato ng kanilang mga resource person. Mga iniimbitahang resource person upang magbigay linaw o makapag-ambag sa mga idinudulog na problema sa mga mambabatas.
Nagmamalabis ‘di umano ang mga senador kung paano tratuhin ang kanilang mga bisita na tila korte kung paano gisahin ang kanilang mga resource persons. Tila hukuman na ginigisa ang mga bisita kahit ano pa man ang antas at kalagayan nito. Hindi hinahayaang sumagot na akala mo ay mga akusado? Grandstanding at personal vendetta muli para sa sobrang pulitika. Nag-iingay para kunyari may ginagawa at para mapansin? Muli hindi bobo ang Pinoy!
***
Isa pang nakakabuwisit ang sobrang pulitika sa Lungsod ng Maynila na Capital ng Pilipinas. Dahilan kung kaya labis ang kawalan ng political will ng mga nakaupo sa city hall.
Saan ka naman nakakita na ang mismong harapan ng Manila City hindi man lamang mapag-ukulan ng pansin para hindi gawing pilahan ng mga jeep, bus, trike at iba pa.
Walang ginagawa ang lokal na pamahalaan para bawasan ang obstruction sa harapan ng city hall na nagiging sanhi ng mabigat na traffic!
Kahit saan ka lumingong kalye ng Maynila mabubuwisit ka dahil sa walang disiplinang parking, tindahan, tapunan ng basura at katakot-takot na sidewalk vendors.
Hello Mayor Honey Lacuna, are you there? Baka po hindi na ninyo naaamoy ang lumalalang obstruction at basura sa buong Maynila. Paki-silip naman po Mayor.
More Stories
TRILLANES TUTURUAN NG LEKSYON NI DIGONG
CALINISAN BAGONG NAPOLCOM COMMISIONER
CATANDUANES, CAMARINES SUR SIGNAL NO. 5 KAY PEPITO