November 5, 2024

Pulis patay sa riding in tandem sa Caloocan

Nasawi ang isang pulis matapos pagbabarilin ng hindi kilalang riding in tandem na mga suspek sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng mga bala sa katawan ang biktima na kinilalang si PCpl Ruben Tan, 28, nakatalaga sa Sta. Quiteria Police Sub-Station (SS-6) ng Caloocan City Police at residente ng No. 254 Amaya’s St. Baesa, Brgy. 161.

Base sa nakarating na report kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., dakong alas-7:47 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Ignacio Compound, Brgy. 162, ng lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima sa kanyang motorsiklo habang tinatahak ang naturang lugar nang biglang sumulpot mula sa likod ang mga suspek na magkaangkas sa isang N-Max na motorsiklo at armado ng baril saka pinagbabaril si Tan.

Gayunman, kaagad namang napansin ng biktima ang mga suspek kaya’t huminto ito at tinangkang gumanti ng putok gamit ang kanyang service firearm subalit, muli siyang pinaputukan ng mga salarin hanggang tamaan siya sa katawan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang naiwan ang duguan at walang buhay na katawan ng biktima.

Patuloy naman ang isinasagawang follow-up investigation ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at sa agarang pagkakaaesto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa insidente.