February 8, 2025

Pulis na wanted, nadakip sa Valenzuela

BINITBIT ng kanyang mga kabaro ang isang aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nahaharap sa kasong serious illegal detention sa Valenzuela City.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa konaroroonan ng 33-anyos na pulis na akusado at kasalukuyang nasa bakasyon sa ilalim ng Automatic Leave of Absence Without Pay (ALAWP).

Magkasanib na puwersa mula sa District Special Operations Unit (DSOU) at District Intelligence Division (DID) ng NPD ang inatasan na tumugis sa akusado na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-9 ng gabi sa kanyang tinutuluyan sa Brgy. Marulas.

Binitbit ang pulis ng kanyang mga kabaro sa bisa na rin ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Ma. Theresa Optana Basilio ng Cabanatuan City, Nueva Ecija Family Court, Third Judicial Region Branch 8 na may petsang October 10, 2023 para sa kasong serious illegal detention ng walang inirekomendang piyansa.

Pansamantalang nakapiit ang pulis sa detention facility ng NPD sa Kunlaran Village, Caloocan City habang hinihintay pa ang ilalabas na utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Cabanatuan City.

“This successful arrest underscores our unwavering commitment to public safety and justice. The Northern Police District remains resolute in its pursuit of law offenders to maintain peace and order within our communities,” pahayag ni Col. Ligan.