December 25, 2024

Pulis na suspek sa pamamaril sa Malabon, arestado

ARESTADO ng kanyang mga kabaro ang pulis na suspek sa pamamaril na ikinamatay ng dalawang lalaki at malubhang inasugat naman ng isang babae sa Malabon City, Miyerkules ng umaga.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. nadakip ng puwersa ng Northern Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Malabon police si Pat. Zenjo Del Rosario, nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon police dakong alas-12:50 ng hapon.

Lumabas sa imbestigasyon na pinasok ng suspek sa loob ng kanyang tirahan sa 51 Basilio St. Brgy. Acacia si Alexis Gutierrez, dakong alas-5 ng umaga at pinagbabaril sa harap ng kanyang dalawang menor-de-edad na anak saka  pinagbabaril din ang magkasintahang Jay Bacusmo Apas at Joy Baby Tadiamon na nagtungo lang sa lugar bago tumakas sakay ng isang motorsiklo.

Dead-on-the-spot si Apas sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang ang kanyang kasintahang si Tadiamon ay isinugod sa Tondo Medical Center kung saan ito nakarat sanhi rin ng tama ng bala sa katawan.

Binawian naman ng buhay habang ginagamot sa Makatao Hospital si Gutierrez sanhi rin ng mga tama ng bala sa katawan.

Napagalaman na dalawang ulit ng nakulong ilang buwan lamang ang nakararaan si Gutierrez na sangkot din umano sa ilang insidente ng nakawan.

Sa tulong naman ng kuha ng CCTV na nakakabit sa lugar, nakilala ang suspek matapos makita ang kanyang pagdating at pag-alis niya sa bahay ng biktima makaraan ang pamamaslang.

Ayon kay BGen. Natatez, isinailalim na sa medical examination at paraffin test si Pat. Del Rosario habang ang nakumpiska sa kanyang baril ay isusumite sa NPD Forensic Unit para sa ballistic examination.

Mga kasong murder, frustrated murder at grave threat ang isasampa ng pulisya laban kay Pat. Del Rosario sa Malabon City Prosecutor’s Office, bukod pa ang kasong administratibo na kanyang kakaharapin.