November 3, 2024

Pulis at 4 na kasabwat tiklo sa robbery-extortion sa Pampanga

Nasakote ng mga otoridad ng Integrity Monitoring and Enforcement Group- Luzon Field Unit (PNP-IMEG-LFU), 3rd Battalion 35th Special Action Company (SAC) at ng Apalit Municipal Police Station, ang isang pulis at apat na miyembro ng Truck Ban Traffic Management Office ng Apalit, Pampanga sa isinagawang entrapment operation nitong araw ng Biyernes sa kahabaan ng intersection ng Quezon Road Mc Arthur Highway at San Simon Exit ng nasabing bayan.

Batay sa ulat ni Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) Director, PBGen. Thomas Frias, kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina PCpl. Leomar Calegan, 37, Marlon De Guzman, 39, Menard Mendoza, 32, Michael Maniulit, 50, at si   Noel Manarang.

Ayon kay PGen. Eleazar, inaresto ang mga suspek matapos na tanggapin ng mga ito ang ibinigay na P1,000 marked money galing sa isang pulis ng  IMEG  na sakay ng isang trak.

Nasamsam sa posisyon ng apat na mga suspek ang kanilang mga traffic enforcers identification cards, isang PNP ID, 1 pc.cal.9mm Glock 17 Pistol na may PNP serial number 51168, 2 pcs. Magazine Assembly at 30 pcs. ng ammunition naman ang nakuha kay PCpl. Calegan. Narekober din sa kanila ang P804,170 cash money na pinaniniwalaang mga perang kinulekta galing sa mga truck driver na dumaraan sa nabanggit na lugar at ang dalawang piraso ng P500 bill na entrapment money.

 “Sunod-sunod ang huli ng PNP-IMEG sa mga tiwali at korap na pulis at sibilyan sa pamamagitan ng mga sumbong na ating natatanggap patungkol sa kanilang illegal na gawain. Lalo pa nating paigtingin ang ating counter intelligence at palakasin ang ating Internal Affairs Service na siyang nag-iimbestiga sa mga tiwaling pulis,” ayon sa PNP chief.

“Sa ating mga minamahal na kababayan, wag po kayo matakot magsumbong kung may mga nalalaman kayong masamang gawain sa hanay ng kapulisan at agad niyo itong ipag bigay alam sa amin. Magtulungan tayo sa paglilinis ng aming hanay. We know the public deserves a clean and disciplined police and we remain on our toes to keep cleaning our ranks under the PNP Intensified Cleanliness Policy. But we can only do this with the support of the community at large”, dagdag pa niya.

Nakakulong na ngayon sa IMEG-LFU office ang limang suspek at nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa violation of RA 3019, the Anti Graft and Corrupt Practices Act; RA 6713, Code of Conduct and Ethical Standards for Government Employee; and Robbery Extortion. (Koi Hipolito)