December 24, 2024

Pulis, 1 pa arestado sa P3.4M shabu sa Caloocan

NASAMSAM ng mga awtoridad ang nasa P3.4 milyon halaga ng shabu sa dalawang hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang pulis matapos maaresto sa buy bust operation sa Caloocan City, Huwebes ng hapon.

Kinilala ang mga nadakip na sina PCpl Mark Jefferson Lopez, 30, nakatalaga sa Sub-Station 13 ng Caloocan City Police at John Raster Jaie Muñoz, nasa hustong gulang ng B18 L24 Bagong Silang.

Sa ulat, dakong alas-5:00 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng PDEA RO-NCR Northern District sa harap ng Puregold Zabarte cor.  Zabarte road at Camarin road Brgy.  172, Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nasa Php3,400,000.00 ang halaga, Glock 17, magazine, 19 pirasong bala ng 9mm, PNP Indentification Card, cellphone, cal. 45, magazine, 7 pirasong bala, mobile phone at ilang bundle ng pekeng pera.

Sa kanyang official statement, kaagad namang ipinag-utos ni Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ulysses Cruz ang administrative relief  sa Sub-Station 13 Commander, Assistant Commander, Shift Supervisor, at mga miyembro ng team ni Pcpl Lopez.

Pinadisarmahan din ni Cruz ang mga ito ng kanilang mga service firearm at isinailalim sa Camp Restriction habang nakabinbin ang in-depth investigation na sumasaklaw kay PCpl Lopez sa kasalukuyan at nakaraang designation.

“We do not condone the wrongdoings and irregularities of our erring personnel, I will assure the public that they will feel and face the full force of the law”, pahayag ni Cruz.