November 5, 2024

PULIKAT, PULITIKA AT SI PACMAN

GUSTO man ng isipan di na kaya ng katawan. Ito ang maliwanag na katotohanang naging balakid kay Pacman-ang Father time o ang edad na ang kalaban sa kwadradong lona.

Ang 42-anyos nang 8-division world champion na si Manny Pacquaio ng Pilipinas ay yumukod sa mas bata, mas mahaba ang biyas at kamay na si Yordenis Ugas na isang Cubano-Americano at isang dating Olympic medalist boxer.

 Sa maagang bahagi pa lang ng bakbakan ay  halata nang bumagal ang patented lateral moves nito at nabawasan ang bangis ng kanyang kamao.

Nakaramdam siya ng PULIKAT sa paa kaya hindi niya magamit ang husay sa footwork sabay kumbinasyong nagpabagsak sa mga nakalabang pinakamagagaling sa apat na dibisyon sa mundo habang tinutukuran at dyinadyab-dyab na lang ng Latinong kampeong si Ugas hanggang mapanatili nito ang titulo ng WBA WelterWeight class.

Olat sa puntos si Pacquiao na lubha ring naapektuhan ng dumi ng  larangan ng PULITIKA dito sa Pilipinas.

 Mukhang namali ng PALING si PACMAN na nagparamdam nang tatakbo bilang PANGULO pero bago tumulak  pa-USA ay nagpasabog siya ng expose’ na bintang sa kasalukuyang administrasyon na kasangga niya dati.

Kahit na si Pacman ay isang national treasure dahil sa di-birong naiambag niyang karangalan sa Pilipinas, unang pagkakataon na hindi 100% ng mga Pinoy ang naghangad na siya ay manalo dahil iyan sa PULITIKA.

Sana iyong ibang mga suntok na nasalo ni Pacquiao ay maging panggising (sa halip na pampatulog) sa nagmuni-muning estado ng isip ng Pinoy boxing  icon upang ituwid ang nalilihis niyang desisyon kung sino ang tunay na kakampi, kalaban at kaplastikan.

 Ano man ang kahinatnan sa PULITIKA pag-uwe ni Pacman ay siya lang ang may hawak ng kanyang kapalaran. Iwaksi ang mga nakapaligid na buwitre kaliwat-kanan.

Basta ang kagitingan sa ibabaw ng ring ay dapat palakpakan kahit talunan.

LOWCUT- Bulong ng isang kaisport natin, after ng date ni Pacman kay YORDENIS! pag-uwe niya dito ay may deyt naman daw siya kay YORME… para saan? ABANGAN!