December 24, 2024

Puganteng Koreano na wanted sa illegal online gambling, arestado sa San Juan

Inanunsiyo ng Bureau of Immigration ang pagkakaaresto sa isang puganteng South Korean na wanted sa kanyang bansa dahil sa pagkakasangkot sa illegal online gambling.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, nadakip ang suspek na si Choi Sungsun, 33, sa kanyang bahay sa San Juan City ng pinagsanib na puwersa ng BI Fugitive Search Unit (BI-FSU) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Naglabas aniya siya ng mission order matapos ang kahilingan ng gobyerno ng South Korean na nagbibigay ng impormasyon kaugnay sa mga krimen ng pugante sa kanilang bansa.

Ayon kay BI FSU Chief Bobby Raquepo, naiulat na subject si Choi ng Interpol red notice na ipinalabas noong Agosto 11 ngayon taon, dalawang buwan matapos mag-isyu ng warrant of arrest ang isang court district sa Busan, South Korea laban sa pugante.

Nabatid na si Choi ay nahaharap sa kasong fraud sa nasabing korte dahil sa pag-o-operate ng iba’t ibang illegal gambling site sa internet at humihingi sa mga kustomer kung saan siya nakalilikom ng malaking halaga ng pera.

Inakusahan pa ng mga otoridad ng South Korean na nagtayo si Choi ng unauthorized private online gambling sites sa Pilipinas na paglabag sa Nationals Sports Promotion Act.

Pansamantalang nasa kustodiya ng CIDG ang puganteng dayuhan habang hinihintay ang resulta ng kanyang COVID-19 swab test.

Ibabalik si Choi sa South Korea kapag naglabas na ng kautusan ang BI Board of Commissioners  para sa kanyang summary deportation.

Nakatakda rin siya i-blacklist at i-ban para hindi na makapasok sa Pilipinas.