January 14, 2025

PUGANTENG CHINESE NAARESTO NG BI SA NAIA

Ang puganteng Chinese na nadakip ng BI. (ARSENIO TAN)

NAARESTO ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Chinese national na wanted sa Beijong authorities dahil sa pagkakasangkot sa illegal gambling.

Nadakip ang Chinese na si Huang Sen, 38, noong Enero 11 sa departure area sa NAIA terminal 1.

Siya ay naaresto matapos makita ng BI officer na nagproseso sa kanya na ang pangalan niya ay may positibong pagkakatugma sa Interpol derogatory system ng bureau.

Ayon sa tagapagsalita ng BI na si Dana Sandoval, isang red notice para sa pag-aresto kay Huang ang inilabas ng Intepol Beijing noong Disyembre 4, 2023 sa kahilingan ng gobyerno ng China.

Sa kasong ito, iniligay si Huang sa BI dentention facility sa Taguig habang naghihintay ng deportation.

Ayon kay BI-Interpol unit acting chief Peter de Guzman, isang warrant of arrest ang inisyu laban kay Huang ng public security bureau ng Luojiang district sa Deyang, China noong Agosto 27, 2024.

Sinabi ni De Guzman na ang kaso ay nag-ugat sa mga alegasyon na nakipagsabwatan si Huang sa iba pang mga suspek sa pagpapatakbo ng mga ilegal na sugalan sa Internet na nagbibigay serbisyo sa online customer sa buong mundo.

Ayon sa ulat, kumuha ang gambling syndicate ng mahigit 70,000 katao na para udyukan ang mahigit isang milyong kustomer mula sa Tsina na magsugal sa kanilang mga website.

Tinatayang mahigit 700 bilyong yuan, o US$95 bilyon, ang pondo sa pagsusugal na ipinusta sa gambling activities na pinamamahalaan ng sindikato kung saan kumita ang huli ng hindi bababa sa 2 bilyong yuan, o US$272 milyon.

Itinuturo ng mga awtoridad ng Tsina si Huang bilang pinuno ng betting department ng sindikato.

Si Huang ay ide-deport dahil sa pagiging undesirable alien  at ilalagay sa blacklist ng BI upang mapigilan siyang makapasok muli sa bansa, sabi ni Sandoval. ARSENIO TAN