May 14, 2025

PTFOMS naalarma sa panggigipit sa media sa 2025 mid-term elections

Quezon City — Ipinahayag ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang matinding pag-aalala sa mga ulat ng pangha-harass sa mga miyembro ng media sa kasagsagan ng 2025 mid-term elections, sa gitna ng panawagan para sa mas mahigpit na proteksyon sa kalayaan ng pamamahayag.

“Ang ganitong mga aksyon ay sumisira sa press freedom at sa mahalagang papel ng media sa isang demokratikong lipunan,” ani PTFOMS Executive Director Jose Torres Jr. “Hindi namin kinukunsinti ang anumang uri ng pananakot o karahasan laban sa mga mamamahayag na nagsasagawa lamang ng kanilang tungkulin sa panahon ng halalan.”

Ayon kay Torres, iniimbestigahan na ng PTFOMS katuwang ang Philippine National Police’s Media Security Vanguards ang mga nasabing insidente at makikipag-ugnayan sa mga media group para sa nararapat na aksyon.

Nanawagan din siya sa publiko at mga mamamahayag na agad iulat ang anumang banta o panggigipit sa kalayaan sa pamamahayag. “I-dokumento at ireport agad,” giit niya.

Maaaring magsumite ng ulat ang media personnel sa pamamagitan ng PTFOMS Incident Report Form na matatagpuan sa https://forms.gle/hNizuXw7AhPn5DnN9 o sa QR code sa opisyal na Facebook page ng PTFOMS (facebook.com/PTFoMS).

Mga Naiulat na Insidente:

  • Sagay, Camiguin (May 10): Inatake ang sasakyan ng dating presidente ng Cagayan de Oro Press Club.
  • Nueva Ecija (May 10): Binalaan ng tirador at pinagbantaan ang news crew ng TV 48 at DWNE ng isang kasapi ng Barangay Peacekeeping Action Team. Kalaunan ay kinompronta rin ng Barangay Chairman.
  • Quezon City: Nakaranas ng intimidasyon si radio reporter Rambo Labay habang nagkokober ng umano’y vote-buying.

Lahat ng insidente ay nai-report na sa mga awtoridad at kasalukuyang nire-review ng PTFOMS para sa posibleng legal na aksyon laban sa mga sangkot.

Bago pa man ang eleksyon, noong Abril 23, nagsampa ng reklamo si Romeo Gonzales, DZRH provincial news correspondent, laban sa alkalde ng La Paz, Abra na kumakandidatong kongresista, matapos siyang pagbantaan kaugnay ng isang ulat sa pamamaril sa lugar.

Sa kabuuan, nakapagtala na ang PTFOMS ng tatlong kaso ng election-related threats sa media ngayong halalan—isang paalala sa patuloy na panganib na kinakaharap ng mga mamamahayag sa bansa.

Patuloy ang pagtutok ng PTFOMS sa mga kasong ito bilang bahagi ng misyon nitong tiyaking ligtas ang mga media practitioner at mapanatili ang diwa ng demokrasya sa gitna ng halalan.