Mabilis na sinikwat ni Angelie Musa ng Sibugay Technical Institute ang gintong medalya matapos ilista ang TKO win kontra Patricia Virtudazo ng Surigao Del Norte State University sa finals ng Philippine Army – KickBoxing event ng 2023 Philippine Reserve Officers Training Corps (PRG) Games – Mindanao Leg na ginanap sa Western Mindanao State University, Zamboanga City.
Tinapos ni 21-year-old, Musa si Virtudazo sa Round 1 upang ikuwintas ang gold medal sa 56 kgs. women’s division.
Bugbog sarado kay second year BS Criminology, Musa ang kanyang kalaban pero pagkatapos ng laban ay umiral sa kanya ang pagiging pusong Pinay at tunay na mandirigmang Pilipina niyakap nito si Virtudazo na umiiyak.
“Masaya ako pero naawa rin ako sa kanya, (Virtudazo),” saad ni Musa,” Paghahandaan ko ‘yung national finals at mas magpupursige pa ako para sa pamilya ko.
Nagpakitang gilas din si Prince Alfred Remolado ng Jose Rizal Memorial State University matapos manalo ng itigil ng referee ang laban sa Round 2.
Pinadugo ni Remolado ang ilong ni Muamar Laduka ng Southern Mindanao Colleges upang siluhin ang gold medal sa Phil. Army 57 kgs. men’s.
Ang ibang humablot ng gintong medalya sa ROTC Games KickBoxing event na pinasimunuan ni Senator Francisco Tolentino ay sina Camille Joy Sanchez ng Western Mindanao State University sa women’s AirForce 52 kgs. by points, 2-1 at John Michael Etac ng NZC sa men’s AirForce 57. kgs. via KO sa Round 1.
Maliban sa kickboxing ang ibang sports na pinaglalabanan ng ROTC cadets at units mula sa iba’t-ibang colleges at universities ay ang Athletics, Arnis, Boxing, Esports, volleyball at Basketball, suportado ito ni Mayor John Dalipe at ng Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni Chairman Richard Bachmann.
Samantala, nagwagi naman si Jade M. Cabaya ng Agusan Del Sur College of Agriculture and Technology si John Carlo Ombalino ng JRMSU upang pagwagian ang gold medal sa men’s 48-51 kgs Army Boxing event. Nanalo rin ng gintong medalya sina Mark Paul Fernandez ng ST-Cast-Santo Tomas, Davao sa men’s +51-54 kgs. at Bryl Bayogos ng 12 RCDG sa men’s +54-57 kgs.
More Stories
NBI nasamsam ang mga pekeng Chanel na nagkakahalaga ng P44-M sa Makati City
MMDA sinuspinde ang number coding scheme para sa holiday season
BuCor bubuo ng board upang pag-aralan kung pasok si Veloso sa GCTA