November 24, 2024

Protesta vs oil price hike…
TIGIL-PASADA
BANTA NG TRUCK,
DELIVERY RIDERS

Balak ng truck at delivery riders na magsagawa ng tigil-pasada sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, simula ngayong linggo, ayon sa transport group.

Sa panayam sa CNN Philippines’ New Day, sinabi ni Lawyer for Commuters Safety and Protection president Ariel Inton, na ang mga nasabing driver na bahagi ng National Public Transport Coalition ang nagbabalak makilahok sa malawakang tigil-pasada simula Marso 15, na maaring makaapekto sa mga pasahero sa Metro Manila.

“The National Public Transport Coalition is made up of about 30 associations. Ito ay hindi lang mga jeep, taxi, bus, but it also includes trucks, delivery trikes, motorcycle taxis,” aniya.

“Ang pinagkasunduan doon is not really a transport strike, but a tigil-pasada. In other words, parang passive, hindi na sila bibyahe dahil ang kanilang tingin ay bumyahe man sila ay lugi,” paliwanag niya. “Parang negosyo ‘yan, bakit mo bubuksan ang isang negosyo kung hindi ka kikita?”

Hindi naman nagbigay si Inton ng anumang detalye kung gaano karaming mga miyembro ng koalisyon ang sasama sa tigil-operasyon at kung hanggang kailan ito tatagal.

Subalit sinabi nito, na maaari itong kanselahin ng mga drayber sakaling magpasa ng mga panukala na makatutulong sa transport sector, kabilang na ang suspensyon ng fuel excise taxes.

Magsasagawa ng kilos-protesta ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) ngayong Martes.