SAMPUNG taon matapos maisabatas Batas Kasambahay na pangunahing isinulat ni Senador Jinggoy Ejercito Estada, isinusulong naman ngayon ng mambabatas ang pag-aamyenda ng batas upang bigyan ng karampatang proteksyon ang mga employers at kanilang mga pamilya mula sa mga namamasukang domestic helper na may criminal record.
“Ang Batas Kasambahay, na isang landmark legislation na naglalatag ng mga karapatan at pananagutan sa batas ng mga kasambahay at kanilang mga employer, ay dumaan sa masusing proseso sa loob ng ilang taon bago ito naging isang ganap na batas,” ani Estrada, punong may-akda at sponsor ng RA 10361 na kilala rin sa tinatawag na “Domestic Workers Act” at naging ganap na batas noong Enero 18, 2013.
“Bagama’t nakita natin sa mga nakalipas na taon ang mga benepisyo nito para sa mga kasambahay, may mga pangangailangan para paigtingin ang pagbibigay proteksyon sa mga employer,” dagdag niya.
Ipinapanukala ni Estrada ang pagrepaso ng RA 10361 sa pamamagitan ng kanyang ipinasang Senate Bill No. 456 na nagrerekomenda ng pagtatatag ng mas mabigat na responsibilidad at pananagutan sa mga private employment agencies (PEAs).
Aniya, dapat tiyakin ng mga PEAs na walang criminal record ang kasambahay na kanilang tinatanggap at nirerekomenda sa mga employer.
Dagdag pa ni Estrada na ang mga PEAs ay may pananagutan sa pagtiyak ng sapat na impormasyon, katulad ng tirahan at family background at pagsasagawa ng aktwal na beripikasyon at kaukulang dokumento kabilang ang mga clearance barangay, pulis, at National Bureau of Investigation (NBI) pati na rin ang birth certificate.
Sa kanyang ipinapanukalang sub-section sa Section 36 ng nasabing batas, nakasaad dito na may kakaharaping pananagutan sa batas ang mga PEAs sakaling makagawa ng anumang krimen ang kasambahay na kanilang inirekumenda sa unang taon ng paninilbihan.
Wala nang responsibilidad ang mga PEAs matapos ang unang taon ng paninilbihan, ayon kay Estrada. “Matapos ang isang dekada ng pagpapatupad nitong Batas Kasambahay, nakita natin na kailangang paigtingin ang proteksyon maging ng mga employer mula sa mga mapagsamantala at kawatang nagkukunwaring mamasukan na kasambahay,” sabi ni Estrada.
More Stories
1ST SOUTHEAST ASIA SUDOKWAN C’SHIP IHU-HÒST NG PILIPINAS
US MAGBIBIGAY NG $1-M PARA SA PEPITO VICTIMS
3 SOKOR FUGITIVES NASUKOL NG BI