November 18, 2024

Proteksiyon at suporta sa mga magsasaka ng sibuyas, hiniling sa Pamahalaan

Pinakikilos ng isang samahan ng mga magsasaka at manggagawa sa sektor ng agrikultura  ang mga ahensiya ng pamahalaan upang suportahan at proteksiyunan ang mga magsasaka lalo na ang magsasaka ng sibuyas.

Sa pulong balitaan, umapela si AGRI Partylist Representative Wilbert Lee sa Department of Agriculture na bigyan ng karagdagang suporta ang magsasaka ng sibuyas upang mapataas ang kanilang produksiyon, lumaki ang  kita at mapababa ang presyo nito.

Tinawagan din ng pansin ni Congressman Lee ang Bureau of Customs (BoC) na higpitan ang pagbabantay upang hindi makapasok sa bansa ang smuggled na sibuyas at iba pang agricultural products.

Maging ang Department of Trade and Industry (DTI) ay pinakikilos ng Kongresista upang maharang ang bentahan ng smuggled o illegally-sourced agricultural products sa online kasama rito ang sibuyas.

Ayon kay Lee, dapat  on time ang pagdating ng ayuda, mas mababa ang presyo ng fertilizers at pesticides at may dagdag na post-harvest facilities gaya ng cold storages.

Gínawa ni Lee ang pahayag dahil sa pagkalat sa online ng binebentang sibuyas na ₱25 isang kilo, dahilan upang bumagsak ang farmgate prices ng sibuyas.

Hindi aniya masisisi ang  mamamayan kung tangkilikin nila ang mga mas murang sibuyas o produkto na nabibili online dahil sa mahal ng mga bilihin at hindi na napapansin ang  health hazard nito.

Ngunit kawawa aniya ang mga magsasaka kapag hinayaang kumalat o dumami ang mga nagbebenta ng smuggled na sibuyas online dahil ang ending masasayang o mabubulok na naman ang mga lokal na ani.